MULA sa Pilipinas hanggang sa iba’t ibang panig ng mundo, nag-aalab ang damdamin ng maraming Pilipino sa ginawa ng administrasyong Marcos Jr. laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ang pag-aresto sa kaniya at pagkakakulong ngayon sa ICC Detention Center ay nagdulot ng malawakang pagkondena—isang hakbang na itinuturing ng marami bilang ilegal at isang anyo ng political persecution.
Dahil dito, sunod-sunod na protesta at prayer rallies ang isinagawa ng mga Pilipino, hindi lamang sa bansa kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa Europa mismo—kung saan matatagpuan ang ICC—matinding suporta ang ipinapakita ng mga Overseas Filipino Worker (OFW). Hiling nila, pauwiin na si Pangulong Duterte sa Pilipinas.
At upang idiin ang kanilang panawagan, inilunsad ng grupong Maisug Croatia ang OFW Zero Remittance Week—isang kilos-protestang layong patigilin ang pagpapadala ng pera sa Pilipinas bilang malinaw na mensahe ng pagkondena sa administrasyong Marcos.
Kinumpirma mismo ng grupo ang hakbang na ito.
“Kinukumpirma ko po na mag-uumpisa po ang OFW Zero Remittance Day on the 80th birthday of our beloved President Rodrigo Roa Duterte, which will be on March 28 until April 4,” ayon kay Erwin HR, Vice Chairman, Maisug Croatia.
Bukod rito, isang panawagan ang ipinaabot ni Maisug Croatia Vice Chairman Erwin HR—isang hamon sa lahat ng OFWs sa buong mundo na makiisa sa naturang protesta.
Aniya, ito ang kanilang paraan upang marinig sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at agarang ibalik sa bansa si Duterte.
“I hope that our present respected President of the Republic of the Philippines, His Excellency Ferdinand Marcos Jr., will hear us OFWs. Please send our beloved President Duterte back home. I have nothing against you, but please send him back home. This is a call for all the OFWs around the world,” dagdag ni Erwin HR.
Simula nang makulong si Duterte sa ICC Detention Center sa The Hague, Netherlands, araw-araw nang may mga Pilipinong dumadalaw sa labas ng pasilidad.
Isang malinaw at matinding mensahe sa buong mundo—hindi bumibitaw ang kanilang suporta sa dating Pangulo.
Follow SMNI News on Rumble