HINIKAYAT ng isang bangko ang mga overseas Filipino worker (OFWs) na magbukas ng digital bank account.
Layunin nito na masigurong ligtas ang bank account ng mga Pilipino sa ibayong dagat.
Matapos ipinagdiwang ng Overseas Filipino Bank (OFBandk) ang kanilang isang taong anibersaryo ay hinimok nito ang overseas Filipino workers na magbukas ng sariling digital bank account.
Inihayag ng President at CEO ng OFBank Leila Martin, ito ay isang digital bank na kauna-unahang branchless Philippine government bank na nagbibigay daan sa mga kliyente na magawa ang kanilang banking transactions sa anumang oras at saan man sa mundo.
Ayon sa OFBank CEO, ito rin ang kauna-unahang bangko sa bansa na nabigyan ng digital license ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Dagdag ni Martin na ang OFBank ay gumagamit ng digital banking technology kung saan maaari itong gamitin saan mang panig ng mundo sa pamamagitan ng OFbank mobile app.
Tiniyak ni Martin na sa pamamagitan ng nasabing digital bank account ay ligtas ang savings ng mga OFWs.
Bilang security feature ang account ay gumagamit ng image recognition kung saan puwedeng kumuha at mag-upload ng imahe gamit ang smartphone .
Dahil sa OFBank, mapapabilis ang transaksyon sa mga private at government merchants habang sa pamamagitan ng nasabing app ay maaari na rin mag-invest sa mga government securities sa pakikipag-ugnayan ng OFBank sa Bureau of Treasury na kung saan nailunsad ang premyo bonds at detailed treasury funds.
Kaugnay rito, inirerekomenda naman ng president ng OPAL Portfolio Investments Incorporated at Board of Trustee ng Fintech Alliance Philippines na si Ida Tiongson ang digital bank ng OFbank.
Iginiit nito na mas maganda ang digital banking kung ikukumpara sa mga nakagawian dahil ito ay contactless transaction lalo na ngayon sa panahon ng pandemya.
Dagdag ni Tiongson na ang pag-shift sa digital banking ay hindi lamang mabilis na makarating ang pera sa tao bagkus isa itong cash light transaction upang maiwasan ang transmission ng virus sa pamamagitan ng pera.
Hanggang Mayo 31, naitala ng OFBank na umabot na ito sa 113 countries.
Mula sa nasabing bilang ay mahigit 37,000 OFWs na ang nakapagbukas ng kanilang bank account habang P256.29-M naman ang outstanding balance, P1.506-B ang e-banking remittance transactions at P40-M naman ang na-invest ng mga OFWs sa OFBank.