KUMIKILOS na rin ang Social Security System (SSS) upang tulungan ang libu-libong aktibong miyembro na Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Taiwan, umaga ng Abril 3 ng taon.
Ayon sa US Geological Survey, bandang timog ng Hualien City ang epicenter ng lindol.
Ito umano ang pinakamalakas na lindol na tumama sa nasabing bansa mula noong 1999.
Apektado rito ang ating mga kababayang OFW na nagtra-trabaho sa Taiwan.
Kaya, ang pamahalaan ng Pilipinas ay kumikilos na upang tulungan ang tinatawag na ‘modern day heroes’.
Ang SSS ay gumagawa na rin ng hakbang upang matulungan ang 10,000 aktibong miyembro ng ahensiya.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni SSS President at CEO Rolando Ledesma Macasaet na inatasan na nito ang representative office sa Taiwan.
Ito ay para i-assess ang sitwasyon ng mga miyembrong OFWs sa lugar at makapaghatid ng agarang tulong sa mga ito.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay papayagan ng SSS na magbukas ng calamity loan ang mga apektadong OFW sa Taiwan bukod pa sa iba pang benepisyo ng ahensiya.
“For the first time po magbibigay kami ng calamity loans up to P20,000 po ito. Pero, ireremind ko lang po kayo na ang paggawa po nito ang guidelines po ay ilalabas ko at the latest Monday,” saad ni Rolando Ledesma Macasaet, President & CEO, SSS.
Ngunit, may paalala lang si Macasaet sa mga OFW na aktibong miyembro ng SSS na makikinabang nito.
“Ire-remind ko na rin po ito ay loan hindi ito dole-out so ini-encourage ko sila when the time comes, when they settle down bayaran po nila. In the meantime, po hindi lang itong loan ang ibibigay namin na benepisyo kahit wala pa itong calamity lahat po ng OFWs na miyembro ng SSS sa buong mundo ay mayroong benepisyo tulad ng manganganak sila, kung pasensya na po kung namatay, funeral benefits kung nawalan sila ng trabaho may unemployment insurance sila. So, marami talaga silang benepisyo sa SSS, kaya ini-encourage namin sila na mag miyembro talaga,” dagdag ni Macasaet.
Kasama rin sa makatatanggap ng tulong-pinansiyal ang tatlong OFW na lubhang nasugatan sa malakas na lindol.
Samantala, bumaba naman ng 40 porsiyento ang bilang ng mga hindi nagre-remit na employers sa ahensiya.
Noong 2022 kasi ay pumalo sa P92-B ang kontribusyon ang hindi nakolekta ng SSS sa mga delinquent employer.
Pero, nitong 2023 lamang ay bumaba na ito sa P56-B dahil na rin sa pinaigting na ‘Run After Contribution Evaders’ (RACE) Campaign ng ahensiya.