ISANG kapanapanabik na Game 5 ang nasaksihan sa Oklahoma kung saan muling bumangon ang Pacers mula sa 18-point deficit at nakadikit hanggang dalawang puntos sa fourth quarter.
Pero sa huling bahagi ng laban, muling umatake ang Thunder sa pangunguna nina Jalen Williams at MVP na si Shai Gilgeous-Alexander.
Tinapos ni Williams ang laro na may 40 points, anim na rebounds at apat na assists, habang si Gilgeous-Alexander ay nag-ambag ng 31 points, 10 assists, apat na blocks at dalawang steals.
Samantala, nanguna naman si Pascal Siakam para sa Pacers na may 28 points. Pero nabahala ang Indiana fans sa kondisyon ni Tyrese Haliburton, na lumabas sa unang quarter dahil sa right calf injury. Bumalik man siya sa laro, nagtapos lamang siya ng apat na puntos — lahat mula lang sa free throws.
Lamang na ngayon ang Thunder sa serye, 3-2, at may pagkakataon silang tapusin ang laban sa Game 6 sa Indianapolis sa darating na Huwebes.