Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, balik-bansa ngayong araw

Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, balik-bansa ngayong araw

SASALUBUNGIN ng Pilipinas ang kauna-unahang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz ngayong araw ng Miyerkules, Hulyo 28.

Sa anunsyo ng Philippine Olympic Committee (POC), nakatakdang dumating sa bansa si Diaz sakay ng Philippine Airlines Flight.

Ayon kay Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino, bunsod ito ng mandatory protocol na itinakda ng Tokyo 2020 organizers.

Gayunman, sinabi ng POC na hindi magkakaroon ng karaniwang grand home welcoming rites dahil sa ipinatutupad na health and safety protocols.

Si Diaz at ang kanyang team na sina Chinese Coach Gao Kaiwen at strength and conditioning Coach Julius Naranjo ay isasailalim sa pitong araw na quarantine pagdating sa Bansa Batay sa itinakda ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ang mga atleta, coach, officials maging mga miyembro ng media ay kailangang umalis ng Japan sa loob ng 48 oras matapos ang kanilang events o tungkulin na iniutos ng Tokyo Olympics playbook.

Kabilang sa matatanggap na insentibo ni Olympic Gold winner Hidilyn Diaz:

P10M mula sa national government alinsunod sa mandato ng batas
P10M mula kay Manny Pangilinan
P10M mula kay Ramon Ang
P5M mula kay Dennis Uy
P3M mula kay Deputy Speaker Mikee Romero
P2.5M mula sa Zamboanga City LGU
P14M halaga ng house and lot mula sa Century Properties
P4M halaga ng condo unit mula sa Megaworld
Fuel for life mula kay Dennis Uy
Lifetime free flights mula sa Philippine Airlines at Air Asia
AFP promotion

Tututukan ang championship sa SEA Games pagkatapos ng Olympics

Samanatala, naniniwala si Hidilyn Diaz na kaya pa niyang magpatuloy at abutin ang pinarurok ng kanyang karera sa larangan ng isports.

Ito’y matapos magdesisyon na tututukan ang Southeast Asian Games o SEA Games matapos ang kanyang gintong tagumpay sa Tokyo Olympics.

Ayon sa 30-year old Olympiad, hindi siya titigil dahil kaya pa niya at nakita na niya ang kanyang galing kaya may maibibigay pa aniya siya sa Pilipinas sa tulong na rin ng kanyang team katuwang ang Philippine Olympic Committee at ang Philippine Sports Commission.

Matatandaan na bago nanalo ng gold medal sa Tokyo Olympics, nanalo na rin ng gold medal si Hidilyn sa Asian Games noong 2018 at sa SEA Games noong 2019.

Puno naman ang schedule ni Hidilyn sa susunod na taon dahil sa Vietnam SEA Games at Asian Indoor and Martial Arts Games na gaganapin sa Thailand.

Hindi naman ito nag-commit na sumali ulit sa 2024 Paris Olympics.

SMNI NEWS