Ombudsman, pinasasagot si Remulla sa mga reklamo ni Bantag

Ombudsman, pinasasagot si Remulla sa mga reklamo ni Bantag

PINASASAGOT ng Office of the Ombudsman si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay sa mga reklamo ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag laban sa kanya.

Binigyan ng Ombudsman ng 10 araw si Sec. Remulla para sagutin ang inihaing kaso ni Bantag.

Buwan ng Enero nang inihain ni Bantag ang reklamong murder, grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service and conduct unbecoming of a public official laban kay Remulla.

Ito ay may kinalaman sa Percy Lapid at Villamor Case kung saan inaakusahan ni Bantag na si Remulla umano ang totoong mastermind pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid at sa Bilibid inmate na si Jun Villamor.

Sa 15 pahinang reklamo ni Bantag sa Ombudsman, sinabi nito na ang paninira ni Lapid kay Remulla sa kaniyang programang Lapid Fire ang naging motibo umano ni Remulla para ipapatay si Lapid.

Matatandaan naman na inihain ni Bantag ang Reklamo kay Remulla matapos maihain sa DOJ ang murder complaints laban sa kaniya para sa Percy Lapid Case.

Ang Ombudsman, umaksyon na sa reklamo ni Bantag at inatasan na si Remulla na maghain sa loob ng 10 araw ng kontra-salaysay.

Kasama rin sa pinagpapaliwanag si BuCor Chief Gregorio Catapang.

Samantala, welcome development naman sa kampo ni Bantag ang naging aksyon ng Ombudsman.

Ayon kay Atty. Rocky Balisong, ang paghingi ng counter-affidavit ay bahagi na ng proseso sa mga reklamo.

“Usually they will be required to submit within ten days di ba. It is good na atleast may aksyon na sa complaint ni DG,” saad ni Atty. Rocky Balisong.

Sa tanong kung malakas ba ang hawak nilang reklamo laban kay Remulla, ayon kay Balisong dedepende ito sa determinasyon ng Ombudsman.

Ayon pa dito maaring sumagot sila sa ihahaing kontra-salaysay na isusumite ni Remulla.

“Nilagay natin doon (sa reklamo) yong mga ebidensya natin that will implicate the respondents in those cases. So hintayin natin kung ano ang magiging resolusyon noon. For sure we will be given time to file our reply kung kinakailangan doon sa counter affidavit nila” dagdag ni Atty. Balisong.

Nakakatiyak naman ang legal counsel ni Bantag na tatalima si Remulla sa Ombudsman.

“I am very sure na sasagot naman siya. Sympre alam niya yan. Proseso yan e. With due respect sa kaniya alam niya na proseso yan,” aniya.

Hanggang ngayon naman ay wala pang komento ang panig ni Remulla.

 

Follow SMNI News on Twitter