HANDANG makapag-asikaso nang mas maraming tawag ang One Hospital Command Center (OHCC), ang referral network para sa mga COVID-19 patient, kung sakali mang magkaroon ng panibagong surge ng COVID-19 cases.
Ito ang sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega, ang pinuno ng OHCC at COVID-19 treatment czar ng bansa, sa opisyal na inagurasyon ng center kahapon sa Philippine International Convention Center.
“Pag-upgrade ng One Hospital Command dito sa PICC malaki na ang capacity in terms of call receivers and medical coordinators and nag-improve na rin kami ng aming resources in terms of telecommunications in other words meron na kaming wasto at tamang telecommunication gadgets that can easily connect with different hospitals at sa mga treatment na-improve ang human resource and telecommunications,” pahayag ni Vega.
Matatandaang Agosto ng nakaraang taon nang unang inilunsad ang COVID-referral network, mahigit 40 empleyado lang ang tumatanggap ng tawag.
Sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Arena, sa Makati City lang din ito nakapwesto, halos kalahati lang ng laki ng panibagong lokasyon nito sa PICC.
Ani Vega, aabot na sila ng mahigit 100 empleyado sa ngayon at kaya na nilang makapag-asikaso ng apatnaraang tawag kada araw.
Pero sa kasalukyan aniya hindi na gaano karami ang natatanggap nilang tawag dahil bumababa na ang kaso ng COVID-19.
Dalawa pa lang ang pangunahing One Hospital Command Center sa bansa sa ngayon – sa Metro Manila at sa Davao City.
Ngunit inaasikaso na ngayon ang paglunsad rin ng command centers sa mga probinsya.
Inuna lang muna sa ngayon sa mga siyudad na may magandang koneksyon sa internet.
Nasimulan na ang pag-regionalize nito sa CARAGA, Region 3 at Region 4A, at ani Vega dahan-dahan malalagyan na rin ang bawat probinsya.
Inaasikaso na rin aniya ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagkakaroon ng fiber optic para pati mga non-COVID calls ay inaasikaso rin nila.
Dagdag ni Vega kailangan na ring isabatas ngayon ang One Hospital Command Center.
Ani Vega plano nilang gawing opisyal na sistema ng koordinasyon ng mga pampubliko at pribadong ospital ang OHCC.