PAIIRALIN ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Dionardo Carlos ang one strike policy sa lahat ng mga kawaning pulis na masasangkot sa anumang katiwalian.
Nagbabala ang liderato ng PNP na agad nitong sisibakin ang mga tiwaling pulis kasunod ng pagkakasangkot muli ng ilang PNP personnel sa isang robbery incident sa Angeles City.
Layon nitong bigyan ng ultimatum ang mga kapulisan ang lahat ng mga tiwaling pulis.
Kasunod ito ng kagustuhan ni PNP Chief Dionardo Carlos na pagpaliwanagin ang ilang matataas na opisyal ng PNP Region 3.
Ito’y matapos ang pagkakaaresto ng walong pulis sa Pampanga na nasangkot sa robbery extortion
Ani Carlos, walang lusot ang Chief of Police, Provincial Director at Regional Director sa insidenteng kinasasangkutan ng walong pulis na naaresto sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Carlos, kailangan masagot ng mga opisyal kung bakit may mga tauhan silang nasasangkot sa umano’y pagnanakaw sa pitong Chinese at isang Pinay.
Sakali aniyang hindi siya makuntento sa paliwanag ng mga pulis opisyal ay paiiralin ang one strike policy.
Tiniyak naman ni Carlos na masisibak ang walong pulis lalo’t ayaw niyang madamay ang mga matitinong pulis sa katiwalian ng kanilang kabaro.
Una nang iginiit ng mga pulis na nagsasagawa sila ng buy-bust operation pero nang halughugin ang kanilang sasakyan ay nakita ang P300,000 cash at US dollar bills na pagmamay-ari umano ng mga Chinese.
Samantala, sinampahan na ng reklamo ang walong pulis dahil sa umano’y pagnanakaw sa pitong Chinese at isang Pinay sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay PNP CIDG spokesperson Police Lieutenant Colonel Mon Sawan, kasong robbery with violence and intimidation sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code ang inihain sa Angeles City Prosecutor’s Office.
Habang nahuli rin ang tatlong sibilyan na kinilalang sina Tian Renjuan, Lin Bo Yu, at Alvin Ng.
Kasalukuyang nakapiit ang mga pulis sa CIDG Angeles City Field Unit.