HINDI naging hadlang sa mga volunteer ng Sonshine Philippines Movement (SPM) at iba pang mga sektor ang matarik na daan patungo sa Barangay Mamuyao sa Tanay, Rizal para sa ‘One Tree, One Nation: Save Sierra Madre’ Tree Planting Activity na inisyatiba ni Pastor Apollo C. Quiboloy bilang panangga laban sa mga kalamidad at pagkasira ng kalikasan.
Lubog sa tubig-baha ang mga kabahayan na sa isang lugar sa probinsiya ng Rizal.
Sa malakas na pagragasa ng tubig nga ay inanod na ang ilang mga sasakyan.
Setyembre ngayong taon nang manalasa sa buong probinsiya si Bagyong Enteng na sinundan pa ng sunud-sunod pang mga bagyo.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (PAGASA), ang Pilipinas ay nasa frontline ng epekto ng climate change dahil nasa 18 hanggang 20 bagyo ang dumadaan sa bansa kada taon.
Delubyo kung ituring ang mga bagyong nanalasa sa ating bansa na tila isang bangungot sa mga tao, at malaking epekto sa pagkasira ng ari-arian at pagbaba ng ekonomiya.
Ang panunumbalik ng sigla ng kalikasan lalo na sa Sierra Madre ay nangangahulugan ng pagbibigay-buhay muli sa likas na yaman at iba pang bahagi ng kapaligiran na nasira o naubos dahil sa mapanirang gawain ng tao.
Ang Sierra Madre ay ang pinakamahabang bulubundukin sa Pilipinas, na sumasakop sa silangang bahagi ng Luzon mula sa Cagayan Valley hanggang Quezon Province.
Itinuturing itong mahalagang “backbone” ng Luzon dahil sa gampanin nito sa pagprotekta laban sa mga natural na kalamidad.
‘Yun nga lang dahil sa ilegal na aktibidad ng mga tao tulad ng pagpuputol ng mga punong kahoy at pagmimina, nakakalbo na ang bulubunduking ito.
Pero, kaya nga bang maibalik ang dating sigla ng kalikasan?
Ang pagmamahal ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa kalikasan ang naging daan para mabuo ang Sonshine Philippines Movement (SPM).
Ang mga volunteer ng organisasyon ay maituturing ngang mga bayani dahil sa pangangalaga nito sa kapaligiran.
Hindi naging hadlang ang pagtawid sa dalawang ilog at pagdaan sa mga sirang kalsada para mapuntahan lang ang Brgy. Mamuyao sa Tanay, Rizal, maisagawa lang muli ang ‘One Tree, One Nation: Save Sierra Madre’ Tree Planting Activity, araw ng Sabado.
Bukod sa mga volunteer ng SPM, Keepers Club International at KOJC community, mayroon ding mga grupo mula sa iba’t ibang sektor na sumali sa nasabing aktibidad na inisyatiba ng butihing Pastor.
Libu-libong seedlings ng fruit-bearing trees ang itinanim sa nakalbong bahagi ng bundok sa naturang lugar.
“Dito sa Barangay Mamuyao Tanay, Rizal ang pinakamalaking hamon na hinaharap ng mga tao dito sa Barangay na ito ay ang pag-uuling. Paano sila nakakagawa ng uling ay pinuputol ang mga puno para maka-uling sila. Ito ay pangunahing hanapbuhay ng mga tao dito. Tayo ay nakipag-coordinate sa DENR at isa ito sa ini-recommend nila na kailangan nating taniman para ma-save ang Sierra Madre,” pahayag ni Janelle Canonigo, Representative, SPM.
Ngunit bukod sa pag-uuling, karamihan din sa hanapbuhay ng mga residente sa nasabing barangay ay ang pagtatanim ng mga gulay at halamang-ugat.
Kaya malaking papel nga umano ang Sierra Madre, hindi lamang sa kalikasan kundi sa pamumuhay ng mga tao roon.
Ang programang ito na dadalhin ni Pastor Apollo sa Senado ay napakalaking bagay para sa bansang Pilipinas.
“Itong inisyatiba na ginawa ni Pastor Apollo Quiboloy ay napakahalaga dahil ang lahat ng ating kababayan ay dapat mayroong partisipasyon sa pangangalaga ng ating kalikasan. Itong ginawa ni Pastor Apollo C. Quiboloy ay mas pinalawak pa niya dahil maging ang lahat ng ating kababayan ay magiging involve. Hundreds of people are here right now para tulungan tayo sa ginagawa nating ito,” ayon kay Astra Pimentel, 1st Nominee, Ang Bumbero ng Pilipinas.
Mga volunteer kay Pastor ACQ: Tinuruan mo kami maging responsable sa pangangalaga sa kalikasan
Hindi naging hadlang ang edad ng volunteer na si Bobby Bernabe para akyatin ang matarik na bundok na ito para itanim ang binhi ng prutas.
Nagtulong-tulong ang bawat Pilipino, ang bawat relihiyon lalong lalo na sa Kingdom Nation na magtanim ng puno para sa kalikasan ng ating bansa.
Ang inisyatibo ng ating butihing Pastor ay walang pinipili kung anong relihiyon, mahirap ka man o mayaman, bata o matanda.
Masayang masaya ring nakapagtanim sa bundok ng Sierra Madre ang first-timer na si Omar Ali ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP).
Kuwento niya, iba pala ang pakiramdam na nakatulong ka sa pangangalaga sa Inang Kalikasan lalo na sa mga dumarating na kalamidad o sakuna sa bansa.
“Maganda pong pahiwatig ‘yun para sa ating lahat, alam niyo po si Pastor ay nasa kulungan pero ‘yung mindset ni Pastor, ‘yung puso ni Pastor ay para pa rin sa bayan. So, motivation na ‘yun para sa mga taong nandito at sa mga taong nakakaalam nung ginawa ni Pastor,” wika ni Omar Ali, Volunteer, Ang Bumbero ng Pilipinas.
Ang volunteer naman na si Revelino Jay Lopez mula sa Keepers Club’ International ay natutuwa’t naging bahagi siya ng ‘One Tree, One Nation’ Tree Planting Activity ni Pastor Apollo.
Binigyang-diin ni Revelino na dahil sa inisyatibang ito ni Pastor Apollo ay natuturuan sila na mga kabataan kung paano maging responsable sa pangangalaga sa kalikasan.
“As a youth o kabataan hindi lang kami tinuruan kung paano maging mapagmahal sa kalikasan bagkus maging responsable kasi sa panahon ngayon ay palaki nang palaki ang populasyon. Gayundin dapat parami rin nang parami kung paano mag-alaga sa kalikasan at sa pagtatanim,” saad ni Revelino Jay Lopez, Volunteer.
Sa kabila ng ingay sa politika, heto raw si Pastor Apollo—inuuna ang kapakanan ng bansa.
“Ngayon po dito sa ibang mga kandidato ‘yung iba ay nangangako pa lang dito kay Pastor despite and inspite sa kalagayan niya ngayon ay ginagawa na niya, inaaksyunan niya na,” dagdag ni Lopez.
Ang pagtatanim ng puno sa Brgy. Mamuyao Tanay, Rizal ay hindi lamang para protektahan ang Sierra Madre maging ang mga residente na naninirahan dito.
Una na ring tiniyak ni Pastor Apollo na magpapatuloy ang mga aktibidad na ito para sa kalikasan hanggang sa matutunan ng mga Pilipino ang pangangalaga nito.
Kung maaalala, naging matagumpay ang ginawang ‘One Tree, One Nation’ Nationwide Tree Planting Activity at ang Nationwide Cleanliness Drive sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong mga huling linggo.
Asahan na magiging mas madalas ang pagsasagawa ng mga aktibidad na pangkalikasan tulad nito sa mga susunod na linggo.