SA bagong sistema, direkta nang makapag-a-apply ang mga paaralan sa Bureau of Immigration (BI), inaalis ang mga hindi na kailangang papeles at nagbibigay ng mas convenient na paraan ng online application.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa modernisasyon ng BI sa pamamagitan ng automation of services. Tinitiyak din ng ahensya ang seguridad ng sistema upang maiwasan ang pandaraya at sinisiguro na ang mga aplikante ay tunay na naka-enroll sa mga kinikilalang unibersidad.
“Ang pakikipagtulungan sa mga paaralan, at ang aming proseso ng pag-screen sa mga aplikante ay mahigpit na ipinatutupad. Napakahigpit ng aming polisiya hindi lamang sa mga paaralan kundi pati na rin sa amin,’’ ayon kay Com. Joel Anthony Viado, Bureau of Immigration.
“Mas ligtas ang platform ngayon dahil direkta na ang sistema mula sa mga paaralan papunta sa Immigration. May access sila sa system at direktang makapag-a-apply sa Immigration,” saad ni Dana Sandoval, Spokesperson, Bureau of Immigration.
Para sa BI, ang sistemang ito ay isang malaking ambag sa pagsisikap ng bansa na maging nangungunang education hub sa Asya.
Maaaring ma-access ang serbisyo sa pamamagitan ng e-services website ng BI sa e-services.immigration.gov.ph.