Operasyon ng Air Traffic Management System sa NAIA, balik-normal na matapos ang computer glitch−CAAP

Operasyon ng Air Traffic Management System sa NAIA, balik-normal na matapos ang computer glitch−CAAP

UMABOT sa 38 domestic flights at 21 international flights ang naantala habang tatlong flights mula Manila ang kinansela nitong Lunes, Mayo 20 dahil nagkaroon ng problema ang computer software ng Air Traffic Management System sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na umabot sa halos tatlong oras.

Sinabi ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio, dahil sa aberya ay mano-mano ang ginawang proseso sa mga dumarating na eroplano sa NAIA.

Habang pansamantalang pinahinto ang mga papaalis na eroplano.

“Actually, ang ATMC functional kahapon, ngayon ang nangyari ito yaong buong FIR natin, flight information region, nandito tayo ngayon sa Manila ang isyu ngayon ‘yung papasok dito lahat ‘yan mula riyan, dito, kinakailangan ma-accommodate natin kaya nahinto ang flight palabas” saad ni Eric Apolonio, Spokesperson, CAAP.

Paliwanag din ni Apolonio na ang CNS/ATM (Communication Navigation and Surveillance/Air Traffic Management) ay nagsimula pa noong 2010 at natapos noong 2017.

Ibig sabihin hindi na updated ang mga program sa panahon na nabanggit.

Sa ngayon aniya dahan-dahan na ina-update na ang naturang program habang naibalik na rin ang original service provider nito.

Umaasa ang CAAP na sa third quarter ng taong kasalukuyang ay matatapos na ito at hindi na muling mangyayari ang computer glitch kapag upgraded na ang lahat ng air traffic system.

Humihingi naman ng paumanhin ang CAAP dahil sa libu-libong pasahero ang naapektuhan sa technical issue.

“Well sa nangyaring computer glitch na yaon, humihingi kami uli ng paumanhin, dahil hindi naman natin inaasahan ang mga ganitong pagkakataon, kaya lang sa CAAP, importante sa amin yaong mga safety ng mga pasahero sa mga bumababang eroplano sa NAIA,” dagdag ni Apolonio.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble