Operasyon ng airport sa Washington, pansamantalang nasuspinde dahil sa bomb threat

Operasyon ng airport sa Washington, pansamantalang nasuspinde dahil sa bomb threat

PANSAMANTALANG nasuspinde ang operasyon ng Spokane International Airport sa Washington matapos ang nangyaring bomb threat ng isang pasaherong nakasakay sa isang flight patungong Seattle mula Atlanta.

Lulan ng Alaska Airlines Flight 334 ang isang lalaking pasahero nang magbanta ito sa isang flight attendant na may bomba kaya agad na na-divert ang flight sa Spokane.

Agad namang rumesponde ang Spokane Police, Spokane County Bomb Squad at ang FBI sa naturang banta.

Kinumpirma rin ni Spokane Airport Spokesperson Todd Woodard na matapos na makalapag ang eroplano ay agad na hinuli ang naturang pasahero.

Ligtas naman ang mga sakay nito na tinatayang nasa 177 pasahero at anim na crew members.

Agad namang bumalik ang operasyon ng Spokane Airport matapos ang insidente pero nakapagtala na ito ng apat na delayed departures at apat na delayed arrivals sa naturang paliparan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter