NANINDIGAN si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Abdullah Mama-o na kahit bagong tatag lamang ang kagawaran nanatili pa rin itong operational kahit inisyal pa lamang.
Sa panayam ng SMNI News kay Sec Mama-o, aminado ito na sa ilalim ng Section 23 ng RA No. 11641, ang DMW ay hindi pa ganap na fully operational kung walang nakalaang pondo sa 2023 General Appropriations Act, Implementing Rules and Regulation (IRR), at staffing pattern.
Una nang inaprubahan ng Pangulo ang IRR na isinumite ng Transition Committee habang nasa final stage na ng pagsusumite sa Department of Budget and Management para sa staffing pattern at 2023 budget.
Dahil dito hinihiling ni Mama–o kay incoming President Bongbong Marcos na maari namang gamiting ang existing budget ng mga ahensyang ililipat na sa DMW para nagpapatuloy na operasyon ng bagong itinatag na kagawaran.
Matatandaan sa ilalim ng batas kabilang sa mga ahensiya ang ililipat sa DMW, ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na kasalukuyang nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Kasama rin ang Department of Foreign Affairs’ Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs, Overseas Workers Welfare Administration’s o OWWA National Reintegration Center for OFWs, at ng Department of Social Welfare and Development’s Office of the Social Welfare Attaché.
Kabilang din ang Philippine Overseas Labor Offices ng DOLE, International Labor Affairs Bureau, at ng National Maritime Polytechnic.
Sa kabila nito ayon pa kay Mama-o, nag-iwan na rin siya sa tanggapan ni President-elect Marcos ng proposals para sa mahahalagang alalahanin para sa kapakanan ng mga OFW sa ilalim ng bagong tatag na DMW.
Kabilang na aniya rito na pag-aralang mabuti ang bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa na aangkop sa bagong tatag na kagawaran.
Ilang taon na rin aniya ang bilateral agreement na mayroon ang Pilipinas na dapat nang baguhin.
Nabanggit din ni Mama-o na mahalaga sa isang kalihim ng DMW ang umikot sa iba’t ibang bansa para sa bilateral o labor agreement upang tiyakin ang kapakanan ng ating mga tinuturing na bagong bayani.
Nabanggit din ni Mama-o na dapat ding pagtuunan ng pansin ng bagong administrasyon ang libo-libong mga kababayan natin nakakulong sa ibang bansa at kasong kanilang kinahaharap.