NAGING mainit at tensiyonado ang mga eksena sa operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga motoristang ilegal na dumadaan sa bus lane kung saan ilang government vehicles pa ang tiniketan.
Sermon ang inabot ng isang motorista matapos tumakas sa traffic violation dahil sa pagdaan sa bus lane sa may bahagi ng EDSA Shaw Boulevard.
Paliwanag nito kung bakit ito tumakas, natakot umano siya dahil ito ang kaniyang unang pagkakataon na mahuli.
Nagkatensiyon din sa pagitan ni MMDA Task Force Special Operations Head Edison ‘Bong’ Nebrija at ng isang pasahero matapos silang pinara dahil sa pagdaan sa bus lane.
Iginiit kasi ng pasahero na hindi sila dumaan sa bus lane.
“Mali nga operation. Anong mali? Tingnan mo! Ilan ‘yung operation? Sige ha. Confidence ako na hindi siya dumaan ng bus lane. So anong gagawin ko sa inyo? Pag mali kayo? Anong gagawin ko kung mali kayo? At nasira trabaho ko?” ayon kay Edison ‘Bong’ Nebrija, MMDA Task Force Special Operations, Head.
Isang government vehicle, tumakas sa traffic violation; Driver, nakipagsagutan sa traffic enforcer
Pinara naman ng mga MMDA enforcer ang isang government vehicle matapos dumaan sa bus lane.
Imbes na huminto, tumakas ang driver.
Sinubukan pa siyang habulin ng mga enforcer at kalaunan ay huminto naman sa lay-by.
Dito na sila nagkasagutan ng enforcer.
“Ang laki ng respeto namin sa inyo pero sa aming MMDA nakauniporme, hindi kayo marunong rumespeto,” ayon sa MMDA Officer.
“May respeto ako sa inyo sir ha. Huwag kayong sumigaw sa akin. Huwag mo ako sigawan. Kung hindi kita nirespeto, hindi ako hihinto dito sir,” ayon sa government vehicle driver.
Nitong mga nagdaang araw, mas pinaigting ng MMDA ang kanilang kampanya laban sa mga pasaway na motorista na dumaraan sa EDSA bus lane kahit bawal.
Ilang araw bago ang pagpapatupad ng mas mataas at mas mabigat na parusa.
Bukod sa mga ordinaryong motorista, ilan din sa mga nahuhuli ay mga may awtoridad o nasa gobyerno.
Sabi ni Nebrija, ikinalungkot niya ang mga pangyayari.
“Nakakalungkot na they do not have respect for the enforcers. Nakakalungkot. Kami naman dito nagpapatupad ng batas. Wala naman kaming kotong dito. Wala kaming payola. Anong ikatatakot mo?”
“You do not tell us what to do. And do not run away,” dadag ni Nebrija.
Simula Lunes, Nobyembre 13, ipatutupad na ang mas mabigat na parusa laban sa mga ilegal na daraan sa EDSA bus lane.
Mula P1,000 ay magiging P5,000 na ang multa para sa first offense; P10,000 at isang buwang suspension ng lisensiya, at sasailalim sa seminar para sa second offense; P20,000 at isang taong suspension ng lisensiya para sa 3rd offense; habang P30,000 at tuluyang pagkansela naman ng lisensiya para sa 4th offense.
“I hope this will be the last intensified operations. Kasi mabigat ‘yung P5,000. If you haven’t learned from what we are doing enforcing this week, you might be penalized this week. And that will hurt,” ani Nebrija.