PINALAWAK pa ang operasyon ng One-Hospital-Command sa iba pang mga lalawigan ayon sa inihayag ni treatment czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega.
Aniya, mahalagang magkaroon na rin ng One-Hospital-Command sa mga probinsya sapagkat nahihirapan na rin ang Central office.
Ito’y bunsod ng pagdami ng natatanggap na mga tawag mula sa labas ng National Capital Region (NCR).
Dagdag pa ni Vega, matatagpuan ang mas pinalawak na operasyon ng One Hospital Command sa Regions 2 at Region 3 sa Luzon maging sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ibinahagi rin ng Health official na marami ng tawag ang hindi nakapapasok dahil hindi nila binibitawan ang isang caller hangga’t hindi pa ito natutugunan nang maayos.
Dahil medyo pahirapan ngayon na maghanap ng ospital lalo’t high-risk category na ang ilang mga ospital sa NCR, mayroon ding minsan na inaabot ng ilang araw bago matawagan uli ang isang caller.
Una nang sinabi ni Vega na dumarami ang tawag na natatanggap ng One Hospital Command dahil sa pagtaas ng COVID-19 case bunsod ng Delta variant.
Umaabot na sa halos 500 ang natatanggap na tawag ng One Hospital, na siyang referral system para sa mga pinaghihinalaang tinamaan ng coronavirus.
Noong Hulyo, in-upgrade ang One Hospital Command makaraang opisyal na pinasinayaan ng center ang operasyon nito sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Nauna na ring pinaghandaan ng pamahalaan na makapag-asikaso nang mas maraming tawag ang One Hospital Command Center (OHCC), ang referral network para sa mga COVID-19 patient.