IKAW ba ay mahilig tumaya sa online gambling?
Dito sa Pilipinas, sa halagang P10–P20, maaari ka nang maka-jackpot ng malaking premyo.
Pero posibleng hindi na ito magtagal matapos ihain ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian ang isang panukalang batas na may layuning paigtingin ang regulasyon at pagpapatupad sa operasyon ng online gambling sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, inilahad ni Gatchalian na isa sa mga pangunahing nilalaman ng panukala ay ang pagbabawal sa paggamit ng GCash at iba pang digital wallets sa pagtaya sa online gambling.
“Nag-file rin kami ng isang bill para higpitan ang online gambling. Marami kaming (natatanggap na) balita na pati bata nag-o-online gambling na ngayon,” pahayag ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian.
Bukod rito, iminungkahi rin niya na itaas sa ₱10,000 ang minimum na halaga ng bawat taya, kumpara sa kasalukuyang ₱10 o ₱20.
Ayon kay Gatchalian, ang mababang halaga ng minimum bet ang isa sa mga dahilan kung bakit maraming Pilipino, kabilang ang mga kabataan, ang nalululong sa sugal.
Nilalayon din ng panukala na higpitan ang mga requirements bago makapagtaya, upang matiyak na hindi makakasali ang mga menor de edad.
Maging ang paggamit ng mga celebrity sa mga patalastas ay ipagbabawal, at mahigpit ding babantayan ang mga ads sa social media.
“Hindi siya free-for-all advertising. Na kukuha ka ng influencer, na kukuha ka ng bata. Kasi napapansin ko, promoter nila bata eh. We also banned that, bawal ang advertising kung saan-saan. Bawal mag-advertise sa schools, near churches, so we also regulated the advertising portion,” ani Gatchalian.
Paliwanag ng senador, imbes na tuluyang ipagbawal ang online gambling, mas mainam na ito ay higpitan at i-regulate upang maiwasan ang posibilidad na magsulputan ang mga underground operations na mas mahirap bantayan.
Dagdag pa niya, malaking koleksiyon ng buwis ang mawawala sa gobyerno kung tuluyang ipatitigil ang industriya ng online gaming.