IPINAHAYAG ng isang transport group na nasa 20-30 porsyento na lamang ng kabuoang bilang ng mga pamprobinsyang bus ang bumabiyahe sa kalagitnaan ng seryeng pagtataas ng presyo ng gasolina.
Ayon sa executive director ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines na si Alex Yague, tumaas na sa 60% ang bilang ng mga bus na bumabiyahe noong Abril kasunod ng pagluwang ng COVID-19 restrictions.
Ngunit ani Yague, noong nakaraang Mayo hanggang unang linggo ng Hunyo ay bumagsak ito sa 20-30% dahil tumaas nang husto ang halaga ng diesel.
Base sa ulat, nasa 26,000 provincial bus workers ang nawalan ng trabaho nang suspendehin ng mga operator ang operasyon nito dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gas.