Operasyon sa NAIA, nagpapatuloy matapos ang pagsadsad ng eroplano ng Saudia Airlines

Operasyon sa NAIA, nagpapatuloy matapos ang pagsadsad ng eroplano ng Saudia Airlines

KINUMPIRMA ng Manila International Airport Authority (MIAA) na hindi naapektuhan ang operasyon ng apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng pagsadsad ng Saudia Airlines.

Patuloy pa rin ang paglipad at paglapag ng mga flights sa NAIA terminals matapos mabalahaw sa damohang bahagi ng runway sa NAIA Terminal 1 kahapon ng hapon ang  eroplano ng Saudi Arabia Airlines Flight SV862.

Sa inilabas na pahayag sinabi ni  MIAA General Manager Ed Monreal, agad na rumesponde ang  Manila International Airport Authority Fire and Rescue Division matapos mag overshot sa runway ang eroplano paglapag nito sa NAIA runway 06-24 dakong alas 1:47 ng hapon.

Ito’y matapos pumalya ang ika-anim na landing gear sa kanang bahagi ng eroplano dahilan upang mabalahaw ang gulong nito sa damohang bahagi ng runway.

Personal na tiningnan ni MIAA GM. Monreal at CAAP Director General Capt. Jim Sydiongco ang site upang pangangasiwaan ang mga operasyon.

Walang nasaktan at ligtas na nakababa ang 420 na pasahero na sakay ng Saudi Arabia Airlines habang wala ring flight na naapektuhan kaugnay sa insidente.

Dakong alas-5:33 ng hapon nang maalis ang eroplano ng Saudia Airlines Flight SVA862 sa taxiway Charlie at dakong alas 6:11 ng hapon naman nang alisin ng Manila tower ang EMPLAN o  Emergency Plan 5 .

Sasailalim pa sa  investigation ng CAAP Aircraft Accident Investigation & Inquiry Board (AAIIB) ang naturang insidente.

Follow SMNI NEWS in Twitter