BABAWASAN simula ngayong weekend ang operating hours ng Light Rail Transit o LRT-2.
Sa mass testing na ginawa sa rail workers nitong nakaraang linggo, 273 na empleyado ang positibo sa virus.
Mahigit naman sa 1,900 empleyado ng LRT-2 ang sumalang sa test.
Kaya simula ngayong Sabado, Abril 17 ay magiging 6 to 6 na ang operasyon ng train system.
“Current ngayon ano yung pinapatupad natin na schedule is magmula alas singko ng umaga ito yung first train natin alas singko ng umaga. And then sa gabi naman yung last train natin yung manggagaling ng Santolan is 8:30 and then yung manggagaling ng Recto is nine in the evening,” pahayag ni Atty. Hernando Cabrera, spokesperson, Light Rail Transit Authority.
“So sa darating na Sabado April 17, babaguhin na natin yung schedule as we have announced. Ang magiging first train natin at opening noong mga istasyon is alas sais ng umaga and then sa hapon naman yung last train natin from both ends is alas sais din ng hapon,” dagdag ni Cabrera.
Sa ngayon, nasa 56% lamang na manpower sa ticket management and sales collecting personnel ang gumagana sa LRT-2.
Nasa 73% ng manpower sa train drivers at 68% ang naka-quarantine habang ang ibang empleyado ng LRT-2 ay naka work from home.
Inaabisuhan naman ang mga maapektuhang pasahero na sumakay sa mga rutang inilaan para sa bus augmentation program.
Sa Mayo a-uno pa babalik ang normal na operasyon sa LRT-2.
Mula mahigit 40,000 na pasahero ay bumaba sa 23,000 ang pasahero ng LRT-2 kada araw simula nang magpatupad ng ECQ sa NCR Plus.
Patuloy naman ang paalala ng pamunuan sa mga pasahero na sundin ang health protocols habang nasa tren kabilang ang pagsusuot ng face shield, face mask, bawal kumain sa loob, at bawal hubarin ang face mask.