PINAGPAPALIWANAG ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at operator ng sasakyan na iligal na nagpuslit ng mga tao papasok sa NCR Plus bubble.
Sa isang viral sa social media, makikitang sisikan ang mga tao sa loob ng isang truck na ibiniyahe mula sa Southern Luzon papasok sa border ng NCR na may kasama pang matanda at sanggol at nagawa pa nilang nagpasalamat sa ginawang pagtulong ng driver na maibalik sila sa kanilang lugar sa Metro Manila.
Ayon kay Asec. Edgar Galvante, binawi na nila ang plaka ng ginamit na sasakyan at haharap sa 90 days preventive suspension ang driver.
Nilinaw din ng opisyal na bagama’t may ginagawa silang paghihigpit sa mga pumapasok na mga vans at truck papasok ng Maynila ay hindi nila agad pinipigilan lalo na kung ang sasakyan ay may design para sa essential goods na kakailanganin ng mga kababayan sa ilalim ng ipinatutupad na ECQ.
Tiniyak naman ni Galvante na may nakaambang multa at parusa kung mapapatunayan may paglabag sa batas ang mga sangkot.
Itigil na ang ‘COVID-19 smuggling’ —DOTr
Ipinanawagan ng Department of Transportation (DOTr) sa mga law enforcement agencies, sektor ng transportasyon at mga lokal na pamahalaan na ipatigil at bantayan ang nangyayaring “COVID-19 smuggling.’
Ang COVID-19 smuggling ay kinasasangkutan ng mga trucking companies at mga colorum vehicles na iligal na nagsasakay ng mga indibidwal na hindi sumailalim sa COVID-19 testing papasok ng National Capital Region (NCR) plus quarantine bubble.
Sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na napag-alaman nito ang mga closed van at truck ay iligal na nagpapasok ng mga tao sa borders ng Metro Manila kapalit ng pera.
Ang operasyong ito ani Tugade ang isa sa nagsasanhi ng transmission ng COVID-19.
Iginiit ni Tugade na dapat itong mapahinto dahil maaapektuhan nito ang buong bansa at lahat ng kanilang pagod sa testing, isolation at treatment ay masasayang dahil dito.
(BASAHIN: Tuloy-tuloy na libreng sakay para sa Medical Frontliners- Roque)