Opinyon ng OCTA na ibalik ang NCR Plus setup, suportado ng health advocate

Opinyon ng OCTA na ibalik ang NCR Plus setup, suportado ng health advocate

SUPORTADO ng isang health reform advocate ang opinyon ng OCTA na ibalik ang NCR Plus setup dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Tony Leachon, health reform advocate, kailangan pag-aralan muli ang quarantine protocols at ang restrictions na kasalukuyang ipinatutupad ng pamahalaan.

Suportado rin ni Dr. Leachon ang opinyon ng OCTA na bawiin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapahintulot na makalabas ang mga batang edad 5 pataas.

Iginiit din nito na dapat palakasin pa ang border control at travel ban ng bansa upang maiwasan ang pagkalat ng Delta variant lalo pa’t kulang ang supply ng bakuna sa bansa at hindi pa sapat ang mga isinasagawang contact tracing.

Naniniwala naman ito na mayroon ng local transmission ng Delta variant ng sa bansa dahil hindi lahat ng pasyenteng may COVID-19 ang isinailalim sa genome sequencing.

Mungkahi ng OCTA na ibalik ang NCR Plus setup at muling paghihigpit sa paglabas ng mga bata kabilang na pag-uusapan sa nakatakdang pagpupulong ng IATF

Nakatakadang magsagawa ng pagpupulong ang IATF bukas, Hulyo 22.

Kabilang sa pag-uusapan ng IATF ang mungkahi ng OCTA research na ibalik ang NCR Plus setup at muling paghihigpit sa paglabas ng mga bata.

Una nang hinimok ng OCTA group ang pamahalaan na ibalik ang NCR Plus setup at ang muling paghihigpit sa paglabas ng mga bata dahil sa banta ng nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Magugunita na nagbanta rin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ibalik ang mas mahigpit na restriction sa bansa dahil sa pinangangambahang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

 

SMNI NEWS