PORMAL nang ipinadala ng liderato ng Kamara sa opisina ni dating Congressman Arnolfo Teves, Jr. ang sulat hinggil sa desisyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso tungkol sa pagpapatalsik sa kaniya sa puwesto.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, natanggap na ang nasabing sulat nitong Huwebes sa opisina ni Teves.
Makikita sa kanilang liham ang tatak na nagsasaad na natanggap na ng opisina ng nasibak na mambabatas.
“We have just release the letter address to Mr. Arnolfo Teves, Jr. pina-recieve na namin sa office niya. Informing him through the office about the decision of the plenary by a vote of 265-0 that he has been expelled as the member of the House of Representatives,” pahayag ni Sec. Gen. Reginald S. Velasco, House of Representatives.
Dagdag pa ni Velasco, damay rin ang mga staff ni Teves sa mga posibleng mapaalis sa opisina nito sa Kamara maliban lamang kung sila ay muling kukunin ng bagong caretaker sa distrito ni Teves.
“’Yung physical office niya kasi still there then ‘yung staff niya. But our policy is all the staff of a congressman, all of them are coterminous, ibig sabihin at the end of the term of the congressman, they will have to vacate the room or they have to leave the office. Unless they are re-hired by the caretaker,” dagdag ni Velasco.
Ngayong pinatalsik na bilang miyembro ng Kamara si Teves, nilinaw ni Velasco na ang liderato ng Kamara ang siyang mag-desisyon kung sino ang maging caretaker sa distrito na binakante ni Teves.
Magugunitang si Speaker Martin Romualdez ang naging pansamantalang caretaker noong nagsimulang mag-absent si Teves.
“So we are awaiting the leadership, the House leadership’s decision on who will be the caretaker of the district. In the past usually the neighboring district of the congressman concern or congresswoman concern is the one appointed as a caretaker,” ayon pa kay Velasco.
Si Arnie Teves ang pangalawang kongresista na tinanggal sa puwesto sa Kamara.
Una nang inalis sa puwesto si dating Dinagat Island Cong. Ruben Ecleo Jr. matapos na hatulan ng guilty ng Korte Suprema sa kasong graft.
Miyerkules, Agosto 16, nang pormal na ipinataw ang pagpapatalsik kay Teves sa botong 265 na pabor, walang tumutol at tatlong nag-abstain na binasa mismo sa plenaryo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Bunsod ito sa pagpapakita ng ‘disorderly behavior’ ni Teves nang mag-viral sa social media ang kaniyang pagsasayaw na naka-boxer short lang.
Bukod pa nito ang patuloy na paghingi ni Teves ng political asylum sa Timor-Leste at ang patuloy na pagliban na isang malinaw na pag-abandona sa kaniyang trabaho bilang mambabatas.
Batay sa patakaran ng Kamara, expulsion ang pinakamataas na disciplinary action na ipinapataw laban sa mga pasaway ng kongresista.
Pero sa tanong kung disqualified na ba o hindi na maaring tumakbo muli sa halalan ang isang napatalsik na kongresista, ito ang sagot ng secretary general.
“So wala tayong precedent to cite, so we don’t really know, whether he will still eligible to run for the election but alam mo the final word dyan will have to come from COMELEC,” ani Velasco.
“So, we will have to make another decision kung expulsion will cover other punitive measures. So, again it will depend on House leadership,” aniya.
Si Teves ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang patayan sa lalawigan.
Kamakailan lang ay idineklara din itong terorista ng anti-terrorism council kasama ang kaniyang umano’y armadong grupo.