IBINIDA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kalakasan ng ekonomiya ng Pilipinas sa World Economic Forum (WEF) na ginanap sa Davos, Switzerland kung saan ibinahagi niya ang iba’t ibang hakbang tungo sa maunlad na ekonomiya.
Malaman ang naging country strategy dialogue ng Philippine delegation sa pangunguna ni Pangulong Marcos sa WEF kung saan sumentro ito sa mga hakbang ng pagpaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Martes ng umaga sa Switzerland, dinaluhan ni Pangulong Marcos ang pormal na pagbubukas ng WEF sa Davos Congress Centre.
Pormal na binuksan ang forum ni Swiss President Alain Berset.
PBBM, ibinida ang kalakasan ng ekonomiya ng bansa sa Davos Forum
Martes ng hapon nang maganap ang country strategy dialogue ng Philippine delegation kung saan ibinahagi ni Pangulong Marcos ang kasalukuyang estado ng ekonomiya ng bansa.
Sa kaniyang opening speech, ibinida ng Pangulo sa mga investors ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno para sa patuloy na pagbangon ng bansa mula sa COVID-19 pandemic at para gawin itong kaaya-aya para sa pagnenegosyo.
Ekonomiya ng bansa sa 2023, lalago sa 7.0% – PBBM
Ayon kay Pangulong Marcos na bagama’t babagal sa 2.7% ang 2023 Global Economic Growth na batay sa projection ng iInternational Monetary Fund, sinabi nito na lalago ang ekonomiya ng bansa sa 7.0% sa 2023.
“But for the Philippines, we project our economy to grow by around 7.0 percent in 2023,” ani Pangulong Marcos.
Kung bakit aniya nakarecover ang bansa mula sa pandemya, dahil ito sa malakas na macroeconomic fundamentals, fiscal discipline, structural reforms at liberation ng mga key sector.
“Our strong macroeconomic fundamentals, fiscal discipline, structural reforms and liberalization of key sectors instituted over the years have enabled us to withstand the negative shocks caused by the pandemic and succeeding economic downturns and map a route toward a strong recovery,” saad pa ng Pangulong Marcos.
PBBM, inilatag ang iba’t ibang hakbang tungo sa pag-unlad ng ekonomiya
Ipinunto naman ni Pangulong Marcos na bagamat nakakaakit ang polisiyang protectionism o ang paghigpit sa international trade upang matulungan ang mga domestic industry, wala umanong ‘long-term winners’ nito.
“We are mindful that while protectionist policies may be appealing, even necessary in the short term, there will ultimately be no long-term winners,” dagdag ng Pangulo.
Kaya panagawan niya sa lahat ng gobyerno, alisin ang anumang mga paghihigpit sa kalakalan at palakasin ang World Trade Organization (WTO) reform.
“We join the call for all governments to unwind any trade restrictions and reinforce our commitment to the World Trade Organization (WTO) reform,” aniya.
Dapat din tiyakin ng mga bansa ani Pangulong Marcos na may inilatag na hakbang ang mga ito na maibsan ang epketo ng inflationary pressures o labis na pressure ng demand at supply forces sa mga presyo sa loob ng ekonomiya sa mga apektadong sektor.
Hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang mga bansa na subukan ang lahat ng posibleng gawin sa paghahanap ng karaniwang batayan sa mga kritikal na mga global issue tulad na lamang sa isyung geopolitical.
Patuloy ring nakatuon ang bansa ani Pangulong Marcos sa pagtulong sa mga negosyo sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang kakayahan na makipagkumpitensiya at matulungan na makapasok sa global market.
Isa aniya sa tinututukan ng gobyerno ang digitalization na aniya ay isang key driver para sa long-term economic growth at para sa economic transformation.
“The government also recognizes the importance of digitalization as a key driver for long-term economic growth and as a tool for economic transformation,” saad ng Punong Ehekutibo.
Nagsimula na aniya ang gobyerno na palawakin ang connectivity sa bansa partikular na sa mga malalayo at mga napag-iiwanang mga lugar.
“We have begun large-scale deployment of digital connectivity across the Philippines to ensure universal connectivity, particularly in geographically isolated and disadvantaged areas,” ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng edukasyon, skills development at panghabambuhay na kaalaman upang mas mapahusay ang kakayahang magtrabaho ng mga manggagawa.
Kaniya ring binigyang importansya ang pagpapalakas ng mga interbensyon ng gobyerno at public-private partnerships (PPPs) upang mapabuti ang access sa mga trabaho.
Idinagdag nito na dapat ding pagbutihin ang health system at social protection upang mabawasan ang mga kasalukuyan at mga hinaharap na panganib.
PBBM at dating UK Prime Minister, nagkita
Sa kaparehong araw, muling nakipagpulong naman si Pangulong Marcos kay dating UK Prime Minister Tony Blair.
Magugunitang unang nagkaroon ng pagpupulong ang Chief Executive at dating UK Prime Minister sa sidelines ng United Nations General Assembly sa New York nitong nakaraang taon.