KINONDENA ng Office of the Undersecretary for Administration ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng kantang “Dakila Ka, Bayani Ka” sa isang political video.
Ayon kay Education Usec. Alain Pascua, ginamit ang naturang kanta na walang pahintulot mula sa mga composer at mga performers nito.
Ang naturang kanta ay ginamit sa isang video na naka-post sa Facebook account ng isang Martin DV at may post title na ‘Nueva Ecija Doctors unite to firmly stand behind the President that they believe will shape this dream of a better Philippines!’
Mapapanood dito ang pag-eendorso ng ilang medical frontliners ni VP Leni Robredo at ka-tandem nitong si Sen. Kiko Pangilinan.
Kapansin pansin din ang kulay pink na nangingibabaw sa video at paggamit ng pink na rosas.
Dagdag pa ni Usec. Pascua, ang naturang kanta na nilikha nina Arnie Mendaros at inarrange ni Albert Tamayo, ay isang tribute song para sa mga COVID-19 frontliner na nagsakripisyo sa kanilang kaligtasan at matapang na hinarap ang tungkulin sa gitna ng pananalasa ng nakamamatay na virus sa bansa.
Ang naturang proyekto aniya ay kanya mismong pinangunahan sa pag-umpisa pa lang ng pandemya para magbigay ng suporta sa mga frontliner.
Boluntaryo ring kumanta si Education Sec. Leonor Briones sa naturang piyesa kasama sina Martin Nievera, Michael V, Carol Banawa, TJ Monterde, Sassa Dagdag at iba pang mga artist.
Hinimok naman ng opisyal ang mga nasa likod ng naturang video na ihinto na ang pag-share nito at i-delete na ang post bago pa nila hilingin sa Facebook.
BASAHIN: Robredo, aminadong malaking hamon sa kanyang mga taga-suporta ang pangangampanya sa Leyte