Opisyal ng PNP na sabit sa P6.7B drug bust, nais paimbestigahan sa Senado

Opisyal ng PNP na sabit sa P6.7B drug bust, nais paimbestigahan sa Senado

NAIS paimbestigahan sa Senado ni Senator Bong Revilla, Jr. ang pagkakadawit ng isang mataas na opisyal sa PNP sa P6.7-B drug bust operation.

Sa kaniyang isinumiteng Senate Resolution No. 564, araw ng Martes ay inaatasan ang kinauukulang komite na magsagawa ng legislative inquiry hinggil sa pagkakasangkot ng isang high-ranking official ng Philippine National Police (PNP).

Sa isang press briefing ay inilahad ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin C. Abalos, Jr. na nasakote ang suspek na si Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr., sa isinagawang drug buy-bust operation noong Oktubre 8, 2022 sa Tondo, Manila.

Ikinalulungkot ni Revilla na may mga bulok pa rin sa organisasyon kaya’t kailangan ng masusing imbestigasyon para hindi na pamarisan.

Ibinulgar ni Abalos na tinangka pang itago ang naganap na pag-aresto kay Mayo na nag- iingat ng P6.7 bilyong halaga ng iligal na droga at  posibleng hindi nag-iisa si Mayo, base sa fact-finding investigation na isinagawa ng National Police Commission (NAPOLCOM).

Sa naturang press briefing, ipinanood ni Abalos ang CCTV footage kung saan makikita ang ilang matataas na opisyal ng PNP sa naganap na buy-bust at ang video ay nagpapakita ng senaryo base sa nilalaman ng report na isinumite ng PNP.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter