Oplan Katok Apor, isinagawa sa Ballesteros, Cagayan

Oplan Katok Apor, isinagawa sa Ballesteros, Cagayan

ISINAGAWA ang programang  Oplan Katok Apor  kontra COVID-19 sa bayan ng Ballesteros sa lalawigan ng Cagayan.

Sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO), isinagawa na ang pagpapatupad at pagsunod sa programang Oplan Katok Apor ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan noong Hulyo 20.

Inilahad ni Provincial Health Officer Dr. Carlos Cortina na pinaalalahanan nito ang mga opisyal na manguna sa kani-kanilang mga barangay sa pagpapaliwanag at pagpapaalala sa mga Authorized Person Outside Residence (APOR) na sumunod sa mga panuntunang ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) para makaiwas sa COVID-19 virus.

Base sa datos ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), isa ang bayan ng Ballesteros sa may mataas na bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Nabuo ang programang ito ni Governor Manuel Mamba matapos na makita ng Provincial Health Office  na malaki ang porsyento ng mga nagpopositibong mga APOR kung saan sila rin ang nag-uuwi ng virus sa kanilang mga pamilya o mga tao na kanilang nakakasalamuha.

Layunin ng Oplan Katok Kalampag APOR (OKKA) na matulungan ang mga opisyal ng barangay at kapulisan na paalalahanan ang mga mamamayan nito laban sa nakakamatay na virus.

Samantala, kasabay ng programa ay ipinamahagi rin ang P100,000 sa mga barangay sa Ballesteros na tinanggap ng mga Barangay Captain at treasurer.

Ang naturang halaga ay sa pamamagitan ng Provincial Treasurer’s Office at Provincial Planning and Development Office bilang tulong pinansyal  na gagamitin sa operasyon at pamamahala ng mga barangay Isolation Units at mga pangangailangan ng mga nagpopositibong pasyente sa lugar na nakapaloob sa programa ni Governor Mamba na No Barangay Left Behind (NBLB).

Una rito, matatandaan na umikot na rin ang Oplan Katok Apor team sa Sanchez Mira, Claveria at Aparri na kabilang rin sa mga bayan sa probinsya na tumataas ang kaso ng nakakamatay na sakit.

Nakatakda namang isusunod ng Oplan Katok Apor team ang bayan ng Lal-lo at Allacapan pagkatapos sa Ballesteros.

SMNI NEWS