NAGSASAGAWA ng inspeksiyon ang ilang opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pampublikong transportasyon sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), kaninang umaga.
Pingungunahan ito ng ilang opisyal ng ahensiya, technical working group, partner law enforcement units at ilang miyembro ng Commission on Human Rights.
Ito ay para sa kanilang kampanya na ‘Oplan Tuldukan ang Karahasan’ kung saan maglalagay ang mga ito ng stickers na ‘Bawal Bastos’ sa bawat public utility vehicles (PUVs).
Nagsisimula ito ng alas diyes ng umaga, araw ng Lunes.
Matatandaan, nagbabala ang LTFRB na mahigpit na ipinagbabawal ang “cat-calling” o pambabastos sa loob ng mga pampublikong sasakyan at terminal.
Mayroong kaukulang parusa at multa laban sa karahasan sa loob ng mga pampublikong sasakyan at terminal, alinsunod sa Memorandum Circular No. 2023-016 ng LTFRB at sa Republic Act No. 11313 o ang “Safe Spaces Act.”