Ordinaryong pamilyang Pilipino, hindi makaka-survive dahil sa napakababang minimum wage—SP Zubiri

Ordinaryong pamilyang Pilipino, hindi makaka-survive dahil sa napakababang minimum wage—SP Zubiri

UMALMA si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga Regional Wage Board dahil sa mabagal na aksiyon ng mga ito sa napakababang minimum wage sa bansa.

Ayon sa senador, hindi sapat ang umiiral na minimum wage para tustusan ang pangangailangan ng isang ordinaryong pamilyang Pilipino.

Nasa P517 ang minimum wage dito sa Metro Manila habang nasa P300 sa mga probinsiya. Napakababa aniya nito ayon kay Sen. Migz Zubiri kumpara sa $10 or higit P500 kada oras na kinikita ng isang empleyado sa ibang mga bansa.

Kaya kaniyang ipinanukala ang P150 na dagdag sa minimum wage sa buong bansa.

Sang-ayon si Sen. Zubiri na hindi talaga makakasurvive ang isang ordinaryong pamilyang Pilipino sa kada araw dahil sa napakababang minimum wage sa Pilipinas.

Kung hindi aniya ito matutugunan, mas marami aniyang Pilipino ang pipiliing mangibang bansa na lamang.

“Talagang hindi makakasurvive ang ating mga manggagawa sa minimum wage na P517 a day. Alam niyo po, dito pa yan sa NCR ha. Hindi ko pa binabanggit sa probinsiya. Sa probinsiya P300 per day,” pahayag ni Senator Juan Miguel Zubiri, Senate President.

“Ganito ang mangyayari diyan. There will be a diasphora, diasphora of Filipino workers. Maraming aalis ng bansa dahil hindi nila kaya ang mga sweldo na tinatanggap nila dito,” ayon pa kay Zubiri.

 Regional Wage Boards, kinalampag ni Sen. Zubiri dahil sa mabagal na aksiyon sa mababang minimum wage

Dahil dito, kinalampag ni Zubiri ang mga Regional Wage Board dahil sa kanilang mabagal na aksiyon.

“Napakahina ng Regional Wage Board. Napakabagal ng galaw nila. At kung hindi umiiyak ang mga manggagawa at nagrarally sa iba’t ibang tanggapan ng Regional Wage Board, hindi gumagalaw ang ating regional wage board. Tapos kung gumalaw naman ang kanilang increase P16, P15 kada araw,” aniya.

May apela rin si Zubri kay Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma.

 “But I have yet to hear from the Secretary on his appeal to the regional wage board to increase rates. I have not yet heard,” saad ni Zubiri.

“Bakit po hindi pa kayo nananawagan sa Regional Wage Board na magmeeting na tungkol sa napakamahal na bilihin ngayon at high inflation rates?” dagdag nito.

Minimum wage sa buong bansa, ipinanukalang taasan ng P150

Sa ngayon, inihain ni Zubiri at ng ilang mambabatas ang Senate Bill No. 2002 na naglalayong taasan ng P150 ang minimum wage ng mga empleyado ng private companies.

Panawagan naman ng senador sa mga negosyante lalo na sa malalaking kompanya na pumayag na sa dagdag-pasuweldo dahil hindi naman kasi aniya nila ito ikalulugi.

Para kay Sec. Laguesma maganda ang ipanunukalang batas pero aniya dapat itong balansehin.

“There is a need for a balance, a thorough look at the implications of any proposal,” wika ni Sec. Bienvenido Laguesma, Department of Labor and Employment.

“There is a need to balance because marami pa pong bilang ng mga manggagawa ang walang hanapbuhay. So kasama ito sa mga tinitingnan na gustong maglagak ng puhunan o magdagdag ng puhunan. Tinitingnan nila yung aspeto yung competitiveness natin, hindi lamang labor productivity, o capital productivity,” dagdag ni Laguesma.

Bukas naman ang senador para sa anumang amendments sa panukalang batas lalo na sa pagbaba ng wage hike para sa mga maliliit na negosyo.

“I am open to amendments to the bills,” ani Zubiri.

“We are open to graduated legislated wage hike for micro small medium enterprises. Lower ha, lower yung hike sa mga MSMEs,” ani Zubiri.

Magkakaroon ng Senate hearing ukol sa pagtaas ng minimum wage sa bansa sa May 10.

Target ng Senado na maipasa ang panukalang batas bago ang session break sa Hunyo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter