IPINAG-utos na ng Manila City Government na sampung araw munang pansamantalang isasara o i-lockdown ang Ospital ng Tondo.
Ito ang kinumpirma ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso matapos magpositibo sa COVID-19 ang 32 health workers sa nasabing ospital.
Ayon kay Mayor Isko, pinayagan niya ang kahilingan ng Ospital ng Tondo na pansamantala muna itong i-lockdown ng sampung araw para sa sanitation activities at upang makapag-relax at makapagpahinga na rin ang mga doktor at nurse.
Samantala ayon pa kay Isko, ang mga dati nang naka-confined sa Ospital ng Tondo kabilang na ang COVID-19 patients ay patuloy pa ring aasistehan ng mga hospital staff.
At habang sarado pa ang naturang ospital ang mga kritikal o emergency situation lamang ang tatanggapin sa ospital at ang ibang pasyente ay ire-refer na lamang sa iba pang limang hospital ng Manila LGU.