Otorisadong SIM card sellers, dapat maisumite sa NTC sakaling maisabatas na ang SIM Card Registration Bill

Otorisadong SIM card sellers, dapat maisumite sa NTC sakaling maisabatas na ang SIM Card Registration Bill

MAGSUMITE ng listahan ng otorisadong SIM card sellers.

Ito ang nakapaloob sa panukala ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre hinggil sa SIM Card Registration Bill.

Kasunod ito sa malaking posibilidad na mailusot sa Kongreso ang naturang panukala.

Nakasaad sa panukala ayon kay Acidre na kailangang makapagsumite ang mga Public Telecommunication Entities (PTEs) sa National Telecommunications Commission (NTC) ng listahan ng otorisadong SIM card sellers at dealers sa loob ng 30 araw.

Bawat taon din ay kailangang mai-update ang listahan na ito.

Para sa mobile phone subscribers ng prepaid SIM cards, kailangan din silang mag-register at mai-verify ang kanilang phone numbers sa kanilang PTEs sa loob ng 180 araw.

Maaari ding ang 120 days extension kung makakakuha ito ng valid written request mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Maliban pa dito, sa pagpaparehistro, kailangan magpakita ang user ng valid government ID.

Para sa foreigners na mananatili sa bansa ng hindi lalagpas sa 30 araw ay kailangan ito magpakita ng passport, proof of address sa Pilipinas at ticket na magpapakita ng date of departure mula sa Pilipinas.

Sakaling lalagpas ito ng 30 araw ay kailangan naman silang magpakita ng alien employment permit, alien certificate of registration identification card, maging ang school registration at ID para sa mga kabataan.

 

 

Follow SMNI News on Twitter