IGINIIT ni Office for Transportation Security (OTS) Office Chief Retired Police General Ma. O Aplasca na wala siyang ginawang masama.
At ang bukod tanging hangad lang nito ay ang linisin ang kaniyang opisina mula sa tiwaling opisyal.
Ito ang inilabas na pahayag ni Aplasca, kasunod ng panawagan ni House Speaker Martin Romualdez na magbitiw na ito sa puwesto.
Nag-ugat ang panawagan ng lider ng Kamara matapos may masangkot muli na OTS personnel sa katiwalian sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Giit din ni Aplasca kung bakit siya ang inaatake sa halip dapat ang pagbitiwin sa puwesto ay ang mismong mga corrupt na opisyal.
Ipinunto rin ni Aplasca na mas nauna pang nawawala ang mga nag-iimbistiga sa hinaharap na kasong pagnanakaw sa $300.
“I have done nothing wrong but to cleanse our office with corrupt officials. Why am I now being attacked? For going after corrupt officials? I think it should be the other way around. The corrupt officials should instead be asked to resign. The case involving stealing of the $300 bills is still being resolved, mauna pa mawala ‘yung mga nag-imbistiga. There must be something wrong somewhere,’’ ayon pa kay Usec. Ma. O Aplasca, Administrator Office for Transportation Security.
Naging babala pa ni House Speaker Romualdez na hindi ipapasa ng Kamara ang budget ng tanggapan ni Aplasca hangga’t hindi siya nagbibitiw sa puwesto.
Sabi ni Romualdez, makabubuting mag-resign na si Aplasca o kung hindi, ang House Speaker mismo ang haharang para hindi maapruhaban ang budget ng OTS.
Sa kabila ng mga hamon ni Romualdez, ibinida ni Aplasca simula nang umupo ito bilang OTS chief noong Hulyo 2022 hanggang Setyembre 21, 2023 ay nakapag-imbestiga na ito ng 68 administrative cases mula sa iba’t ibang paglabag sa mga patakarang pandisiplina at administratibo.
Sa bilang na ito, 11 tauhan ng OTS ang sinibak na sa kanilang puwesto, 24 ang under legal review, 7 ang suspendido at iba pang bilang ng pagdidisiplina.
Simula umupo din si Aplasca nabatid na hindi sumusuweldo ng 2 hangang 3 buwan ang mga tauhan ng OTS bagay na kaniyang niresolba.
Natuklasan din niya ang mga anomalya sa recruitment kapalit ang P20,000 halaga sa bawat indibidwal na matatanggap na aplikante ng OTS.
Itinama niya ang baluktot na pamamaraan.
Natuklasan din niya ang iregularidad sa promosyon at placement, kung saan inalis din niya ang mga tauhan sa administrative division na kumikita mula sa scheme.
Nagsagawa din siya ng Training programs kung saan pinahuhusay ang mga values formation at moral recovery programs para sa mga pang matagalang hakbangin, naghain din ang OTS ng mga panukala sa Kongreso at pagpasa sa Senado ng isang batas na lumilikha ng OTS bilang isang mas matatag na organisasyon.
Ang kahilingan para sa pagpapahusay ng salary grade ng mga tauhan ay pinag-uusapan din ngayon sa Department of Budget and Management (DBM) bilang priority initiative.