MULING nagpaalala ang Office for Transportation Security (OTS) ng Department for Transportation (DOTr) sa mga pasahero na ugaliin tingnan ang mga dadalhin na mga gamit bago pupunta sa paliparan.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News sinabi ni Usec. Ma-o Aplasca na handang handa na ang Department for Transportation para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa paliparan ngayong darating na Undas.
Sa katunayan, nagkaroon din ng pagpupulong ang mga ahensiya ng gobyerno na saklaw ng DOTr.
“Ang Department of Transportation po ay nakahanda na sa Undas celebration. Nagkaroon na po kami ng mga coordination meetings among all of the agencies under the Transportation. So, nag-submit sila ng mga implementing plan para makapaghanda at makatulong sa ating mga traveling public,” pahayag ni Aplasca.
Pero aniya, dapat munang alamin ng isang indibidwal ang mga ipinagbabawal na mga items bago sumakay ng eroplano.
Gaya ng mga baril o iba’t ibang klase ng armas kasama na rito ang bala o basyo ng bala, stunning devices, chemical, at iba pang toxic substance ay hindi pinapayagan na isakay sa eroplano.
Hindi naman papayagan i-hand carry ang mga matutulis na bagay gaya ng kutsilyo, ice pick, gunting at iba pa.
Ang liquid na may higit 100ml ay hindi rin papayagan i-hand carry.
Hinihikayat din ng opisyal na bumisita sila sa kanilang website para anumang updates sa mga dapat o hindi i -check in na mga bagahe bago ang paglipad.
“Pero advice namin sa kanila lalung-lalo sa aming checkpoint kung sana ma-check nang mabuti ‘yung kanilang kagamitan. May mga hinanda kaming informational videos kung paano mag-pack ng mga gamit at inuulit po namin kung ano ‘yung mga prohibited materials. Sa aming website po sa Office for Transportation Security makikita po natin ang lahat ng prohibited items and prohibited materials. Sana po huwag na tayong magdala para tuluy-tuloy at smooth ang ating paglalakbay,” dagdag ni Aplasca.
Hinihikayat din ng OTS na tumawag lamang sa kanilang hotline number sa mga kakailanganin ang kanilang tulong na matatagpuan sa kanilang website at social media account.