PAIIMBESTIGAHAN sa Kamara ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang bagong insidente ng nakawan sa NAIA Terminal.
Ito’y matapos lumunok ng dolyar ang isang personnel ng Office of Transportation Security (OTS) na ninakaw umano sa isang Chinese na pasahero.
Ang buong eksena ng paglunok ng dolyar ay nakuhaan ng CCTV footage.
Saad ni Tulfo, dudulog siya sa House Committee on Public Order and Safety para paimbesitagahan ang bagong insidente ng nakawan sa paliparan.
Kabilang sa ipatatawag sa ikakasang imbestigasyon ang in-charge ng Airport Security para pagpaliwanagin sa insidente.
“Definitely ipatatawag natin ang mga in-charge para maimbestigahan ang mga isyu ng nakawan,” ani Tulfo.
Saad pa ng mambabatas, hindi kailangan ng bansa ng bagong problema lalo pa’t nakatutok ang Kamara ngayon sa pagtulong sa pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain at gasolina.