HINIHIKAYAT ng Comelec sa mga overseas voter na makiisa sa test run ng internet voting na isa sa mga hakbang na ikinokonsidera sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Partikular sa hinihimok na mag-sign up para sa test run ang mga rehistradong overseas voter na may active at kumpletong voter registration record.
Sa isang pahayag, sinabi ng Comelec na ang interested participants ay dapat may kumpletong biometric data kabilang ang photograph, fingerprints at signature.
Para makalahok sa test run, ang voter ay kailangan may smartphone na kayang magpatakbo ng android o IOS app, laptop o personal computer o anumang mobile device na may internet at data access.
Sinabi ng Comelec na ang mga interesadong botante ay maaring mag-sign up sa pamamagitan ng form na nakapost sa Facebook page ng Office for Overseas Voting (OFOV) ng Comelec.
Maaring mag-sign up ang mga test voter hanggang alas 8 ng umaga sa Pebrero 12.