IPINUNTO ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Committee on Finance na hindi nakabatay sa isang personalidad ang pagbibigay ng budget ng isang opisina.
Ito ang tugon ni Poe matapos sabihin ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na posibleng ‘di na madagdagan ang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Mapapansing nakabitin pa ngayon ang desisyon hinggil sa budget ng OVP kung itataas o pagtitibayin na lang ang P733M na inaprubahan ng Kamara.
Naunang pinaburan ni Sen. Joel Villanueva na dagdagan ang OVP budget matapos kumpirmahin na may apat o hanggang limang senador ang pumayag na itaas ang pondo ng tanggapan para sa 2025.
Binigyang-diin ni Villanueva na tutol ito sa P1.2B na ibinawas ng Kamara sa orihinal na proposed budget ng OVP para sa susunod na taon.
Subalit, para naman sa ilang mambabatas, ang budget ng OVP ay nakasalalay sa Majority Bloc ng Senado.