SA ikaapat na sunod na taon, nakatanggap muli ng pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit (COA) ang opisina ni outgoing Vice President Leni Robredo.
Ito mismo ang ibinahagi ni Robredo sa kanyang Twitter post media, isang araw bago ang pagbaba niya sa pwesto.
Ayon kay Robredo, binigyan sila ng state auditors ng “unqualified opinion” sa kanilang financial statement para sa Fiscal Year 2021.
Ang Office of the Vice President (OVP) ay nakatanggap din ng “unqualified opinion” mula sa COA para sa fiscal years ng 2018 hanggang 2020.
Ibinibigay ng COA ang “unqualified opinion” rating kung ang isang tanggapan ng gobyerno ay patas na inilahad ang kanilang financial position at ang financial statements ay nasa ayos at akma sa Philippine Public Sector Accounting Standards.