NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng aabot sa ₱1.9 milyong tulong-pinansiyal sa mga nagbalik-loob na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Bohol.
Ang naturang tulong ay bahagi ng peace-building program ng ahensya sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.
Tumanggap ng ₱100,000 na tseke ang 19 na dating mga rebelde sa Provincial Capitol ng Bohol sa Tagbiliran City.
Umaasa ang NHA na makatulong ang cash assistance para maging maayos ang pagbabagong buhay at maiwasan ang muli nilang pagsapi sa makakaliwang grupo.
Nauna nang naglabas ang NHA ng Memorandum Circular (MC) No. 2019-041, na pinagtibay ng MC No. 2020-061, para sa pagbibigay ng ready-to-occupy na mga pabahay, at tulong-pinansiyal sa mga sumukong rebelde.
Matatandaang, taong 2021 ay namahagi na rin ang ahensya ng ₱1.6 milyong tulong-pabahay sa mga dating miyembro ng NPA mula sa mga bayan ng Antequera, Calape, Catigban, Guindulman, Loon, at Sevilla sa Bohol.