ARESTADO sa isinagawang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Ajuy Municipal Police Station ang suspek na kinilalang si alyas “Bagtik,” 42 taong gulang, na kabilang sa listahan ng High Value Individuals (HVI) sa nasabing bayan.
Nasamsam sa kanya ang tinatayang 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang isang milyong piso. Ang operasyon ay isinagawa dakong alas-otso y medya ng gabi noong Hunyo 21 sa Barangay Tipacla, Ajuy.
Ayon kay Police Colonel Roland V. Bulalacao, Officer-in-Charge ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO), naging matagumpay ang operasyon dahil sa dedikasyon ng kapulisan at suporta ng komunidad na layuning wakasan ang problema sa iligal na droga.
Nasa kustodiya na ng Ajuy MPS ang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.