HINDI kumbinsido ang Federation of Free Farmers (FFF) na isang malaking grupo ng magsasaka sa bansa kaugnay sa binebentang P29/kilo na bigas ng National Irrigation Administration (NIA).
Sa ilalim kasi ng Contract Farming Program (CFP) ng ahensiya, tutulungan anila ang mga irrigator association sa pamamagitan ng pagbibigay ng farm inputs at cash assistance para sa pagtatanim ng palay.
Ang balik nito ay kailangang makapagbigay ng 5 metriko tonelada ng bigas ang mga magsasaka sa NIA na siyang ibebenta sa halatang P29/kg.
Ibig sabihin, ang bentahan ng murang bigas ay subsidized ng ahensiya sa mga magsasaka.
“Yung P29 ay isang artificial price ‘yan ay presyong palugi kasi ‘yung NFA nga bumibili ng palay sa P30 tapos ngayon ay medyo bumaba na raw ‘yung farm gate na nasa P25 o P26/kg. Pero, kapag i-convert mo ‘yan sa bigas giniling mo at kinonvert mo ‘yan sa bigas sa P29 malulugi ka ng P10 to P15 per kilo. Kaya, subsidize ‘yan ng NIA o ng gobyerno at hindi nila maipagpapatuloy ‘yan or mapagpapatuloy lang nila ‘yan hangga’t mayroong pera sa bulsa nila no. Palugi ‘yan in every kilo na ibinebenta nila,” ayon kay Raul Montemayor, National Manager, Federation of Free Farmers.
Hanggang saan umano kayang sustentuhan ng NIA ang mga magsasaka at kung saan kukuhanin ang pondo.
“Gaano kahaba pisi nila, pero ba’t ka magsasayang ng pera sa ganyan? Ba’t hindi mo na lang itulong ‘yung P10 lugi sa mga magsasaka para maengganyo silang magtanim para mayroon tayong sapat na suplay at ‘yun ang siguradong paraan para pababain ang presyo. Hindi ko alam kung saan nila kukunin ang budget nila kasi wala namang mandato ang NIA na magbenta ng bigas nang palugi,” ani Montemayor.
Pero, paglilinaw ni NIA Administrator Eddie Guillen, hindi malulugi ang irrigators association at maging ang ahensiya.
Mababa lang aniya kasi ang ginastos sa production cost para sa pagtatanim ng hybrid rice.
“Meron kami bibigyan ng kapital sa input around P30,000 pesos and then may cash din. May P20,000 pesos na cash. So, parang binibili ng NIA siya ng P20 per kilogram na wet. Nasa P10 lamang po ang puhunan natin sa pag-produce ng bigas. Now, doblehin mo na ‘yun, ‘yung P10 pesos na ‘yun, para naman ‘yung P50,000 income ng farmer natin. May P50,000 na siyang income so P20 pesos lamang po talaga ang production cost ng bigas, nang meron ng 100% na profit si farmer,” ayon kay Eddie Guillen, Administrator, NIA.
“Ang puhunan namin ay effort, labor lang. Zero ang puhunan. Kikita kami wala nang gastos,” ayon naman kay Remy Albano, Vice Governor, Province of Apayao/President, National Confederation of Irrigators Association.
Araw ng Huwebes, nagsimula na ang NIA sa pagbebenta ng P29/kg ng bigas sa Metro Manila.
Ang naturang mga bigas ay mula sa mga ani ng member-farmers sa ilalim ng contract growing program ng ahensiya.