MAGKATUWANG na nagpaabot ng tulong ang Chinese embassy at Philippines Chinese Chamber of Commerce & Industry, Incorporated (PCCCII) na aabot sa P10-M halaga para sa mga residente na naapektuhan ng 7 .3 magnitude na lindol sa Abra.
Ang nasabing ayuda ay pormal na iturn-over ngayong araw sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) National Resource Operation Center sa lungsod ng Pasay.
Walong truck load na nilalaman ng 58,000 pack of rice at pagkain ang ipinaabot na tulong ng Chinese Embassy at PCCCII para sa mga biktima ng lindol.
Ito rin ang unang batch ng ayuda na magkatuwang ang Chinese Embassy at PCCCII
Ayon kay PCCCII President Lugene Ang, apat na araw nila pinaghandaan ang ayuda at nakahanda pa silang magbigay sa mga susunod na araw para sa mga kababayan na naapektuhan ng lindol.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Chinese embassy sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi sa nasabing lindol.
Aminado naman si Asec. Rommel Lopez ng DSWD na ang ipinaabot na tulong ng China ay malaking bagay ito sa mga naapektuhan ng lindol lalo na ang bigas.
Nangako din ang DSWD na ang mga abot- abot na tulong na dinadala sa kagawaran ay makakaabot sa tamang oras at sa mga taong totoong nangangailangan .
Bukod sa China ay nagpaabot din ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol ang Japan government.