P138.77-B pondo para sa higher education, inilaan ng DBM

P138.77-B pondo para sa higher education, inilaan ng DBM

NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P138.77 bilyon para sa mga programa at inisyatibo sa Higher Education sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).

Ito ay bilang pangako ng administrasyong Marcos na bigyan ng mataas na pagpapahalaga ang edukasyon ng mga kabataang Pilipino.

Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang nagsabi na ang edukasyon ang tanging legasiya na maipapamana sa mga kabataan na hinding-hindi masasayang.

Idinagdag pa ni Pangandaman na ang inilaang pondo na ito ay alinsunod din sa pangako ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na tulungan ang sektor na lumikha ng mga graduate na kayang makakuha agad ng trabaho.

Nasa P138.77-B pondo ang mapupunta sa Higher Education kung saan P107.04-B ang para sa State Universities and Colleges (SUCs) at P31.73-B sa Commission on Higher Education (CHED).

P45.80-B budget naman ang gagamitin para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Program (UAQTE).

Bukod dito, kasama rin sa mga programang pang-edukasyon na pinaglaanan ng pondo para sa 2023 ang Student Financial Assistance Programs na may P1.52-B budget.

Layon ng mga programang ito na pagkalooban ng scholarship at grant-in-aid programs ang mahigit 21,000 (21,053) mag-aaral.

Naglaan naman ng P500-M para sa Medical Scholarship and Return Service Program.

Magbibigay ito ng tulong sa natatanging medical students na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at pagsasanay, kapalit ang kanilang serbisyo sa mga pampublikong health office at mga ospital.

Samantala, nasa P167-M naman ang alokasyon para tulungang bayaran ang matrikula ng mga medical student sa SUCs.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter