ITATAYO ang isang housing project na nagkahalaga ng P14.4 milyon ng National Housing Authority (NHA) sa isang lote na donasyon ng Bongabon local government unit (LGU) para sa dating mga rebelde.
Aabot sa 32 mga dating rebelde ang makabenepisyo sa housing project na itatayo sa Barangay Antipolo, Bongabon, Nueva Ecija.
Layunin ng nasabing proyekto na maihanda ang mga dating rebelde para sa reintegrasyon sa lipunan.
Sinabi ni Lt. Col. Reandrew P. Rubio, commander of the 91st Infantry “Sinagtala” Battalion (91IB), Philippine Army, isa sa mga benepisyo na matatanggap ng dating New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ay ang housing program.
“The lot was donated by LGU Bongabon through the initiative of Mayor Allan Xystus Gamilla to give our former rebels a chance to enjoy and improve their lives together with the family in their new residence,” ayon kay Rubio.
Sa ilalim ng programa, itatayo ng NHA ang 80 square-meter single-detached na bahay na nagkakahalaga ng P450,000 bawat isa.
Ayon kay Rubio, sinuri ng NHA, 91IB, at Municipal Engineering Office-Bongabon ang lugar at nakipagpulong na rin sa mga dating rebelde para sa aplikasyon ng housing assistance at iba pang mga bagay na may kaugnayan dito.
Aniya, makatutulong ang E-CLIP sa mga dating rebelde para hikayatin ang mga kasama na nananatili pa sa loob ng komunistang grupo na makinabang sa serbisyong inalok ng pamahalaan.
(BASAHIN: Publiko, hinimok na suportahan ang programang anti-red at mga nagbalik-loob sa pamahalaan)