P15.2-B pondo, inilaan para sa 2023 panukalang budget ng Department of Migrant Workers

P15.2-B pondo, inilaan para sa 2023 panukalang budget ng Department of Migrant Workers

NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng P15.2 Billion para sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP), nasa P15.2 Billion ang binigay na alokasyon para sa DMW.

Ang naturang inilaang pondo ay alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tiyakin ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) at siguraduhin ang episyenteng paghahatid ng mga serbisyo at tulong sa OFWs.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, mananatili ang pagrekognisa ng administrasyon sa kontribusyon ng OFWs lalo na sa ekonomiya ng bansa.

Itinuturing na ‘Modern Day Heroes’ ang mga OFW kung saan binibigyang-pugay ang mga ito sa kanilang sakripisyo para sa pamilya at sa pagpapalago ng ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittances.

Saad pa ni Pangandaman, batid at ramdam ng pamahalaan ang mga paghihirap na kinakaharap ng OFWs kaya nararapat lamang aniya na mabigyan sila ng kinakailangang suporta.

Mula sa P15.2 Billion budget allocation, P3.5 Billion ang nakalaan para sa Office of the Secretary ng DMW, kung saan P2.7 Billion ang napupunta sa Overseas Employment and Welfare Program.

Kabilang dito ang P1.2 Billion na AKSYON Fund alinsunod sa Republic Act No 11641 o Migrant Workers Act.

Alinsunod sa Section 20 ng nasabing batas, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay minandato bilang attached agency ng DMW.

Dahil dito, sa ilalim ng 2023 NEP, isang budget allocation na nagkakahalaga ng P10.039 Billion ang nakalaan para sa Emergency Repatriation Program ng OWWA.

Sakop ng naturang programa ang higit 360,000 (367,287) OFWs.

Ang Emergency Repatriation Program ay nagbibigay ng tulong sa pagpapabalik sa bansa ng mga distressed OFWs at human remains.

Pinagkakalooban din ng tamang tulong ang OFWs, maging ng pansamantalang tirahan sa OWWA Halfway Home, psycho-social counseling, stress debriefing, at mga serbisyo sa transportasyon pabalik sa kani-kanilang lokalidad.

Samantala, ang iba pang mga programa na kasama sa DMW budget allocation para sa 2023 ay ang Overseas Employment Regulatory Program, Labor Migration Policy and International Cooperation Program, Maritime Research and Skills Competency Program, at ang Provision for OFW Hospital and Diagnostic Center sa ilalim ng Overseas Employment and Welfare Program.

Follow SMNI NEWS in Twitter