HINIHIGPITAN pa ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapataw ng parusa sa mga isnaberong tsuper ng mga pampublikong transportasyon.
Ayon sa LTO, nasa P5,000 hanggang P15,000 ang karampatang multa partikular na sa mga taxi driver na mahuhuling tatanggi sa mga pasahero sa mga lungsod sa Metro Manila.
Ang naturang polisiya ay ipinatupad mismo ng LTO National Capital Region West sa ilalim ng “Oplan Isnabero”.
Ito ay upang makasiguro na mayroong masasakyan ang mga pasahero ngayong sumisigla na muli ang bansa.
Nabatid na magtatagal ito hanggang sa Huwebes, Abril 14 na nakasaad sa Regional Office Order No. 54 ng ahensiya.
Pinaalalahanan naman ng ahensiya ang mga taxi driver na seryosohin ang kanilang responsibilidad sa publiko bilang tugon sa kahilingan ng serbisyo sa transportasyon.