UMABOT na ng P15B ang naibawas sa pondo para sa computerization program ng Department of Education (DepEd).
Bagamat sa paglagda ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ay hindi nabago ang P1.056T na proposed 2025 budget para sa sektor ng edukasyon na nasa bicam report, kasali naman sa mga na-veto ang ilang programang may kaugnayan sa edukasyon.
Sa na-veto na P168B na para sana sa ilang items sa ilalim ng unprogrammed appropriations, kasama ang P5B para sa computerization program.
Matatandaan na noong natapos ang bicam report ay nasa P12B na ang kinaltas sa 2025 proposed budget ng DepEd.
P10B mula rito ay nakalaan nga para sa computerization program kung saan mamimigay sila ng gadgets gaya ng computers sa mga mag-aaral sa public schools.
Mapapansing nasa P6.352T ang ipinanukalang 2025 national budget ngunit nang lagdaan ito ni Marcos Jr. nitong Disyembre 30, 2024 ay binawasan ito ng P194B dahil sa mga item na hindi consistent sa priority programs ng administrasyon.
Kabilang sa mga tinanggal ang P26B sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang P168B na nasa ilalim ng unprogrammed appropriations.