P18.5-B emergency loans, nakalaan para sa GSIS at SSS members na apektado ng Habagat at bagyo

P18.5-B emergency loans, nakalaan para sa GSIS at SSS members na apektado ng Habagat at bagyo

BILANG tulong sa mga nasalanta ng Habagat at Bagyong Carina, bukas ang Social Security System (SSS) at BILANG tulong sa mga nasalanta ng Habagat at Bagyong Carina, bukas ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) na magbigay ng pautang. na magbigay ng pautang.

Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, naglaan ang GSIS ng P18.5-B para sa emergency loan.

Ito aniya ay makakatulong sa higit 864,000 na mga miyembro at pensioners na naapektuhan ng Habagat at Bagyong Carina.

Partikular sa mga lugar tulad ng Batangas, Rizal, at sa National Capital Region (NCR).

“Ang mga lugar na ito kasi ay idineklara na calamity areas kaya’t nagbibigay kami ng tulong pinansiyal para sa mabilisang pagbangon ng aming mga miyembro at pensioners,” ayon kay Jose Arnulfo ‘Wick’ Veloso, President & GM, GSIS.

Ang GSIS ay mayroong humigit-kumulang 742,000 na mga miyembro sa NCR, lagpas 61,000 sa Batangas at 60,800 members naman sa Rizal.

Kabilang sa eligible sa emergency loans na ito ang mga aktibong miyembro na hindi naka-unpaid leave, walang pending na administrative o legal cases at nakapagbayad ng hindi bababa sa anim na buwan ng premium bago mag-apply.

“Dapat lamang po ang kanilang take home pay ay hindi bababa sa limang libo alinsunod sa General Appropriation Act,” ani Veloso.

Maaaring makahiram ang mga miyembro nito ng hanggang P40,000 upang mabayaran ang kanilang nakaraang utang at makatanggap ng maximum net amount na P20,000.

Para sa mga walang kasalukuyang utang ay maaaring mag-apply ng hanggang P20,000.

Saad ni Veloso, ang interes nito ay 6% kada taon at may tatlong taong repayment period.

Simula Hulyo 26, 2024, puwede nang mag-apply para rito.

SSS, may alok na hanggang P20-K calamity loan sa kada miyembrong apektado ng Habagat at bagyo

Bukod sa GSIS, magbibigay rin ng Calamity Loan Assistance ang SSS sa kanilang mga miyembrong apektado ng Habagat at Bagyong Carina.

Ibinahagi ito ni Nerissa Sabado, Department Manager III ng Member Loans Department ng SSS.

Aniya, ang maximum loan amount ay P20,000.

“Ina-average namin iyong huling labindalawang buwan na monthly salary credit ng member na iyon ay nakadepende sa inihuhulog nilang kontribusyon. So, P20,000. Babayaran nila ang pautang sa loob ng 2 taon o 24 na monthly installment,” ayon kay Nerissa Sabado, Member Loans Department, SSS.

Dagdag ni Sabado, mababa ang interest rate nito na nasa 10% per annum lamang, na katumbas ng 0.83% na interest kada buwan.

Kasama sa eligible na maaaring mag-aplay nito ang mga miyembrong naninirahan sa mga lugar na idineklara at idideklara pa na nasa ilalim ng state of calamity.

“Dapat masigurado lamang nung member na siya ay active SSS member, mayroong at least 36 posted monthly contribution. ‘Yung anim dapat posted doon sa huling 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon. Maaari silang magsumite ng aplikasyon para sa calamity loan gamit ang My.SSS account sa pamamagitan ng www.sss.gov.ph.,” ani Sabado.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble