P1B alokasyon para sa 2024 Marawi Siege Victims Compensation, inilabas ng DBM

P1B alokasyon para sa 2024 Marawi Siege Victims Compensation, inilabas ng DBM

INAPUBRAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalagang P1B para sa Marawi Siege Victims Compensation para sa kasalukuyang taon.

Ang SARO, na inapubrahan noong Setyembre 24, 2024 ay magmumula sa Fiscal Year 2024 General Appropriations Act.

Ayon kay Secretary Amenah Pangandaman, ang nasabing pondo ay magbibigay ng kompensasyon para sa 574 benepisyaryo partikular na para sa mga nasirang ari-arian at mga death claim.

Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng pagpapalabas ng alokasyong ito bilang parte ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na pagkalooban ng tulong ang mga biktima ng krisis sa Marawi noong 2017.

“As a daughter of Mindanao, I can say na malaking tulong po itong P1-billion Marawi Siege Victims Compensation para tuluyang makabangon ang mga kababayan natin sa Marawi,” pahayag ni Sec. Amenah Pangandaman, DBM.

Layunin ng inilaang tulong-pinansiyal na ipagpatuloy ang pagbibigay ng kinakailangang suporta para sa rehabilitasyon at muling pagbangon ng lungsod.

Saklaw ng kompensasyon ang mga claim para sa mga tuluyan at bahagyang nawasak na istraktura at para sa mga binawian ng buhay noong panahon ng labanan.

Nakabalangkas sa Section 41 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) RA No. 11696 ang isang patas at mabisang proseso sa pagtukoy ng halaga ng kompensasyon.

Makatatanggap ng kabayaran ang mga kwalipikadong claimants base sa lawak ng pinsala sa kanila – kasama ang residential, commercial, o personal na ari-arian.

Ang mamamahala sa distribusyon ng pondo ay ang Marawi Compensation Board, na nalikha sa ilalim ng RA No. 11696.

Ang kompensasyon ay walang buwis.

Para sa mga nasawi sa labanan, bibigyan din ng kompensasyon ang kanilang mga pamilya.

Kung pumanaw na ang orihinal na may-ari ng ari-arian, puwedeng mag-claim ng kompensasyon ang mga legal na tagapagmana sa pamamagitan ng pagsusumite ng kinakailangang dokumento.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble