P1K hanggang P1M multa sa lalabag sa P58 na Maximum SRP ng DA, inalmahan ng ilang rice retailers

P1K hanggang P1M multa sa lalabag sa P58 na Maximum SRP ng DA, inalmahan ng ilang rice retailers

HINDI inaalis ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na patawan ng P1,000 hanggang P1 milyong multa ang mga mapatutunayang hindi sumusunod sa P58 na Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa imported na bigas.

Pero, ang naturang hakbang inalmahan ng ilang rice retailers dahil hindi naman anila ito makatarungan.

Sa price monitoring ng DA, naglalaro pa rin sa P50 hanggang P65 ang presyuhan ng imported na bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Una na ring sinabi ng kagawaran na hindi tama na lumagpas sa P60 ang kada kilo nito gayong bumababa na umano ang bentahan sa pandaigdigang merkado at sobra-sobrang suplay ng mga inaangkat na bigas ang pumasok na sa bansa.

Sa Lunes, Enero 20 ay magiging mandatory na sa mga pamilihan sa Metro Manila ang pagbebenta ng P58 sa kada kilo ng regular at well-milled imported rice.

“The worst case na it can happen is… I actually have the authority once from the recommendation of the National Price Coordinating Council to impose a price ceiling. Pero, as much possible that is the last results. Once the DA imposes the price ceiling base on the recommendation of the NPCC then that has to be followed,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.

Kung hindi pa rin nga aniya matatakot ang mga rice retailer sa price ceiling ay posibleng pagmultahin na ng gobyerno ang mga maliliit na negosyante ng bigas.

“But, if it is not followed it is already a violation of the law and ang penalty diyan ay from P1,000 to P1 million per incident depende. But, of course ayaw kong pumunta doon as much as possible,” ani Laurel.

Para naman sa grupo ng mga rice retailer o Grain Retailers Confederation of the Philippines (GRECON), hindi tama na pagmultahin ang mga maliliit na magbibigas.

Bagamat may pagbaba na sa presyo ng imported rice—may ilan pa anila kasing mga nagtitinda na marami pang suplay na mahal ang kuha.

Dahil diyan, kailangan anila muna nilang ipaubos ang nabili nilang mahal na bigas.

“Masakit ‘yan sa mga retailer natin kung mapapatawan ng ganyan ay maliit lamang na naghahanap-buhay sila hindi po ba. So, baka kasi ‘yan magkaroon ng problema tayo diyan kasi bago muna nila gawin ‘yan ay tingnan muna natin ‘yung resibo kung saan nila binili baka mamaya mataas ang bili nila kaya hindi nila mabenta ng ganong presyo,” wika ni Orly Manuntag, Spokesperson, Grecon.

Dapat nga ay tulungan ang mga rice retailer na makahanap ng magsusuplay sa kanila na mura lang ang bigay para maibaba sa gustong presyo ng gobyerno.

“So, tingnan natin ‘yung ganong anggulo, huwag naman natin isisi kaagad na kapag nakita natin na ganon ang presyo kasi baka naman P50 plus na nila ‘yan nabili sa wholesaler di ba so unawain natin. Tingnan muna natin na palugit o mabigyan muna natin ng pa-abiso,” ani Manuntag.

Si Dayana na may maliit na tindahan ng bigas nababahala sa oras na pagmultahin siya kapag ‘di niya naibaba sa P58 ang presyo ng ilang klase ng imported rice.

Kaya, mapipilitan aniya siyang hindi muna magbenta ng isang brand ng bigas para lang makasunod sa gusto nila kahit ang kawawa at lugi ay ang mga retailer.

“Kung talaga kailangan ay tatanggalin ko na lang ‘yung high prices dito na lang ako sa hanggang P58 na dapat lang ibenta. Hindi na ako magbebenta niyan tulad niyang denurado P60, dito na lang ako sa P56, P54, P58.”

“Siguro ay malulugi po naman ako kasi kung mataas ibinigay tapos binababa ko na sinasabi niyo na P58 lang malulugi naman po ako,” ayon kay Dayana Begrante, Rice Retailer.

Si Aling Teresita na pagtitinda lang ng bigas ang hanapbuhay ay naniniwalang hindi tama ang gagawing hakbang ng gobyerno na pati ang mga mahihirap at naghahanapbuhay ay parurusahan.

Kung tutuusin, nasa P1 hanggang P2 nga lang aniya ang kinikita niya sa kada kilo ng bentang bigas dahil sa mahal ang puhunan nito.

“’Yung mga maliliit hindi naman dapat nilang kasuhan ‘yun kasi ‘yun lang naman talaga ‘yung hanapbuhay nila na magtinda ng bigas. Siyempre tutubuan pa nila ‘yan kasi nagbabayad ng puwesto hindi ka naman puwede magtinda ng bigas na walang kang alalay kasi mabigat ‘yan eh. Kaya kailangan mo ng alalay kasi doon mo kukunin ang suweldo ng tao, bayad ng puwesto,” wika ni Teresita Tirado, Rice Retailer.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble