INIHAYAG ng National Bureau of Investigation (NBI), na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang foreign counterpart na may darating na drug shipment sa Pilipinas.
Natunton at nahadlangan umano ng mga awtoridad ang isang container van mula sa Karachi, Pakistan. Ang kargamento na ipinapakita bilang vermicelli at custard ay naglalaman ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nakatago sa loob ng mga kahon ng mga produktong pagkain.
Ang operasyon ay nagresulta sa pag-aresto ng mga broker, consignee, at facilitator na sangkot sa ilegal na transaksiyon.
Ang shipper o exporter ng nasabing kargamento ay ang Ayan Enterprise/Trading & Logistics, habang ang consignee ay ang Red Shinting Consumer Goods Trading na nakabase sa lungsod ng Las Piñas.
Kinilala ng NBI Director na si Former Judge Jaime Santiago ang mga naarestong suspek na sila Oscar Campo Berba, isang consignee ng Red Shinting Consumer Goods Trading; Kevin Lee Manuel Arriola at Richard Perlado Aguantar, parehong mga broker ng customs; Karen Villaflor Sacro, Chairperson; at Rey Baysa Gujilde, President ng Ark Global Movers.
Lahat ng mga suspek ay dinala sa Department of Justice, National Prosecution Service, Padre Faura, Maynila para sa Inquest Proceedings dahil sa paglabag ng mga ito sa Section 4 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Santiago, ang operasyon ay naganap noong huling linggo ng Enero, kaya sa presentasyon ay walang ipinakitang physical evidence ng ilegal na droga at mga suspek. Ang kaso ay isinampa na sa korte at kasalukuyang naghihintay ng paglilitis.
“Magtataka kayo kung bakit ngayon lang namin ipinresenta sa inyo ang resulta ng operasyon na isinagawa noong huling linggo ng Enero. Ayon sa aming SOP dito sa NBI, ipinapresenta muna namin ito sa inquest. Sa katunayan, ipinresenta na namin ito sa inquest prosecutor, at nakita nilang may prima facie evidence, kaya may katiyakan ng conviction,” paliwanag ni Santiago.
Aminado ang Department of Justice na ito ang naitalang pinakamalaking halaga ng ilegal na droga na kanilang nasamsam sa kasalukuyang taong. Ang budget para sa ginawang operasyon ng pagsamsam ay kinuha mula sa confidential fund.
“Yung intelligence gathering, technical operations, logistical, security, and push operation were funded by confidential fund,” pahayag naman ni Asec. Jose Dominic Clavano, Department of Justice.
Follow SMNI News on Rumble