NAUDLOT ang sana’y huling araw ng pagdinig ng ilang jeepney groups patungkol sa hirit nilang taas-pasahe ngayong Miyerkules.
Tumungo sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang transport groups na humihiling ng dagdag-pasahe sa mga tradisyunal at modernong jeepney units.
Ito sana ang huling araw ng kanilang pagdinig sa ahensiya kaugnay ng hinihiling na P2 provisional fare increase. Pero hindi ito natuloy, ayon kay Boy Vargas, presidente ng Alliance of Transport Operator’s & Drivers Association of the Philippines (ALTODAP).
Paliwanag naman ng LTFRB, bukod sa kawalan ng board members na didinig sa petisyon, wala pa rin silang natatanggap na position paper mula sa mga petitioners na magpapaliwanag sa kanilang kahilingan.
“Diba, dapat may mga, kung bakit ganito ang hinihingi na increase. So, we are waiting for that wala pa rin, so nag-decide kami to, give them 2 weeks from now,” pahayag ni Asec. Teofilo Guadiz III, Chairman, LTFRB.
Dagdag ni Guadiz, maaaring mahirapan ang mga petitioners sa kanilang position paper lalo na’t dalawang linggo nang sunod-sunod ang rollback sa presyo ng produktong petrolyo.
“Sa amin naman kung mayroon silang justification o sa kung bakit ganito ang fare increase then we will act on this right away.”
“The number 3 reason is ay bumabagsak ng bumabagsak ‘yung costs ng fuel this may affect our decision,” ani Guadiz.
Sa panig naman ng ALTODAP, aminado silang hindi pa naipapasa ng kanilang abogado ang dokumentong maglalahad ng dahilan kung bakit nararapat ang hinihinging P2 provisional fare increase.
“Sa ngayon naman ay ang gulo rin ng sitwasyon kasi taas baba. Actually, dalawang linggo nang bumababa, di ba. Ngayon, halimbawa baka bababa pa sa susunod ay handa kaming mag-antay,” ayon kay Boy Vargas, President, ALTODAP.
Handa naman daw nilang hintayin ang magiging desisyon ng ahensya, lalo’t hindi naman umano sila nagmamadali.
Ayon sa LTFRB, may nakahanda nang tulong pinansyal para sa mga tsuper at operator na naapektuhan ng nagdaang taas-presyo sa produktong petrolyo.
“The fact that by 2 weeks from now ay ire-release na ‘yung fuel subsidy nila which is about P10,000. So, there are a lot of things to decide to consider kaya namin ni-reset muna,” aniya.
Matatandaan na noong 2023, naghain ng petisyon ang grupong Pasang Masda, ALTODAP, at ACTO para hilingin ang P5 dagdag sa minimum na pasahe at karagdagang P2 sa bawat kilometro ng biyahe ng mga tradisyunal na jeep.